P122-M shabu nasamsam sa big time tulak
NASAMSAM ang nasa P122,400,000 halaga ng hinihinalang shabu sa 23-anyos lalaki sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng iba’t ibang law enforcement agencies ng pamahalaan, nitong Martes ng hapon sa nasabing lungsod.
Kinilala ang suspek na si Moses Joshua Esguerra, ng Barangay Talon Dos, Las Piñas City, na nasakote sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Armed Forces of the Philippines, Southern Police District at Las Piñas City Police Station, nitong Martes ng hapon sa nasabing lungsod.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Macaraeg, ikinasa ang buy bust operation sa PNB Homes, BF Resort, Bgy. Talon Dos, Las Piñas City dakong 3:00 pm nitong Martes, 15 Hunyo.
Sa ulat, nagsanib-puwersa ang mga operatiba para maaresto ang target na si Esguerra na nakompiskahan ng 18 kilo ng hinihinalang shabu, may street value na P122,400,000, at driver’s license.
Nakuha sa suspek ang ilang bulto ng boodle money na ginamit sa buy bust operation na may kasamang isang genuine P1,000 bill.
Nakapiit ang suspek na si Esguerra, na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, at 11 ng Republic Act 9165. (JAJA GARCIA)