4Ks program inilunsad ng DA-ROF3, at ng NCIP (Ayuda sa mga Dumagat sa Aurora)
UPANG maiangat ang kabuhayan ng mga katutubong Dumagat at maayudahan sa panahon ng pandemya, inilunsad ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA-ROF 3) sa pakikipagtulungan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region 3, ang 4Ks program o “Kabuhayan at Kaunlaran Para sa Kababayang Katutubo” nitong Lunes, 14 Hunyo, sa Brgy. Matawe, sa bayan ng Dingalan, lalawigan ng Aurora.
Ipinamahagi ng Kagawaran sa mga katutubo ang mga alagaing hayop na maaaring paramihin at makapagbigay ng karagdagang kita, mga magagandang piling binhi, at mga kagamitan sa pagtatanim.
Ibinahagi ng programa ang mga kaalaman at suportang pang-agrikultura at tulong sa mga Dumagat.
Alalayan ng Kagawaran ang mga benepisaryo sa pagbuo ng kanilang samahan at ituturo ang pagpapalakas nito.
Isasailalim ang mga katutubo sa pagsasanay kung paano mapalago ang mga binhi na itatanim sa kanilang mga sakahan.
Ayon sa DA-RFO3, naglunsad sila ng 4Ks program sa mga kababayang katutubo sa ibang panig ng rehiyon tulad sa Brgy. Bueno, Capas, Tarlac; Brgy. Payangan, Dinalupihan, Bataan; Brgy. Nabuclod at Mawacat sa Floridablanca, Pampanga; at Brgy. Kabayanan, Doña Remedios Trinidad, at Brgy. San Lorenzo, Norzagaray, pawang sa Bulacan. (RAUL SUSCANO)