ni Bong Ramos
Totoo ba ang tsismis?
YANIG
ni Bong Ramos
ni Bong Ramos
GAANO kaya katotoo at malamang, wala rin katotohanan ang lahat ng mga isyu kung kaya’t ito’y lumalabas na isang tsismis pa lang.
Umpisahan natin ang siyete o tsismis hinggil sa isyu sa dalawang miyembro ng gabinete na sinasabing malapit sa puso ni Pangulong Digong Duterte.
Ayon sa bulong-bulungan, ang dalawang miyembro ng gabinete ay nasa likod at magkasosyo sa negosyo nilang face shield — at sila umano ang dominante sa kalakaran sa buong bansa.
Kopong-kopo at wala raw kompetensiya sa negosyo ang dalawa dahil bawal nga silang kalabanin at banggain dahil bukod sa mga koneksiyon ay talagang super-lakas sa administrasyon.
Kamakailan, ay nagsuhestiyon si Manila Mayor Isko Moreno na huwag nang magsuot ng face shield. Aniya, sapat na ang facemask bilang proteksiyon, alinsunod sa health protocols.
Sinabi ni Yorme, bukod-tanging ang Filipinas na lang ang bansang gumagamit pa rin ng face shield gayong may suot na namang facemask.
Para na lang daw itong duplication, gastos sa mamamayan at pamparami lang ng basurang gawa sa plastic na alam nating sanhi ng pagbaha dahil hindi ito nabubulok at natutunaw.
May punto si Yorme kung kaya’t isinangguni raw agad ito sa IATF na agad din namang naglabas ng resolusyon na nagsasaad ng disapproval.
Obligado pa rin gumamit ng face shield ang publiko bukod sa facemask hanggang sa pagtatapos ng 2021 depende pa rin daw sa pag-aaral na ginagawa ng DOH.
Sinasabing ang dalawang miyembro ng gabinete ang nasa likod at may dikta sa resolusyon ng IATF na nagsasabing titingnan at pag-aaralan pa ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang hindi paggamit ng face shield.
“What are we in power for?” nga naman. Sayang nga naman ang opportunidad at pagkakataon kung bigla na lang mahihinto ang negosyong ito na tuma-tabo ng maraming pera sa merkado.
EBIDENSIYANG DROGA,
TINATABASAN DAW
NG ISANG OPERATIBA
AT IMBESTIGADOR
Totoo nga kayang may sabwatan ang isang operatiba at imbestigador hinggil sa mga kompiskadong droga na sinasabing tinatabasan muna ng dalawa bago ipresinta sa piskalya?
Ayon sa nasagap nating impormasyon, ang mga nahuli o kompiskadong droga ay binabawasan muna ng dalawa ng higit sa kalahati. Plantsado na rin daw ang dokumento bago pa dumating sa korte bilang ebidensiya.
Hocus-focus naman daw ang papel at scripted ng imbestigador. Mahusay daw sa pagtipa ng papeles at dokumento ang nasabing imbestigador.
Ibang klase raw ang tandem na solo-solo lang kung magtrabaho. Mag-partner daw talaga dahil wala raw ibang nakaaalam ng buong pangyayari kundi sila lang.
It takes two to tango, ‘di ba?
Mantakin ninyong halimbawang nakahuli raw ng 100 gramong shabu, wala pa raw 10 gramo ang ipepresintang ebidensiya sa husgado. E saan kaya napu-punta ang sobra? Ang tutulis n’yo! He he he…
Ang dalawa umano ay nakadestino sa Station Anti-illegal Drugs (SAID) ng isang presinto na nasasakupan ng Manila Police District (MPD).