MAHIGIT 200 paring Katoliko ang lumahok sa “penitential walk” kahapon para sa proteksiyon ng bansa laban sa CoVid-19.
Pinaniniwalaang ito ang pinakamalaking pagtitipon ng Manila archdiocese’s clergy mula noong magsimula ang pananalasa ng pandemya.
Buong tapang na sinuong ng mga pari ang init ng panahon habang naglalakad sa kalsada kasabay ng pagdarasal.
Pinangunahan ang penitential walk ng apat na paring pasan-pasan ang nakapakong imahen ni Kristo, kasunod ang dalawang Obispo at mga pari mula sa iba’t ibang parokya ng archdiocese.
Bago ang prusisyon, nagtipon para sa communal penitential service na pinangunahan ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa Quiapo Church, kasunod ng paggawad ng Sakramento ng Kumpisal (Banal na Sakramento ng Pagsisisi at Pagpapatawad).
Mula sa Quiapo, lumakad sila patungong Sta. Cruz Church para sa Banal na Misa na pinangunahan ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator of Manila.
Sa kanyang homilya, sinabi ni Bacani, “ang nasabing araw ay oportunidad para sa pagpapatawad, pag-aayuno, at pagdarasal.”
“We should use this moment to raise our requests to the Lord and any of our sins will be forgiven,” ani Pabillo. “With forgiveness, the Lord will give us grace, especially our welfare now during the pandemic.”
(BONG SON)