NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na piliting mag-step up ang Dito Telecommunity Corporation na pagmamay-ari ng China.
Ito ay matapos maiulat ang mga reklamo ng mga customer dahil sa hindi magandang serbisyo ng Dito, ang third telco player ng bansa.
Ayon sa senadora, dapat din ipawalang-bisa ng ahensiya ang P25.7-bilyong performance bond kung hindi makatupad ang Dito sa pangako nitong mas maayos at mabilis na serbisyo.
“Noong una, ayon sa Dito, gaganda raw ang kompetisyon dahil magkakaroon ng ikatlong telco. Mayroon pa silang sinasabing ‘near-Singapore’ daw na internet speeds. Nasaan banda na ‘yan ngayon? Sa rami ng reklamo sa kanila ngayon, parang mas nabigyan lang ng sakit ng ulo ang mga Filipino,” sabi ni Hontiveros.
Binanggit ng senadora ang report na binaha ng negative reviews ang social media page ng Dito noong mag-anunsiyo na magkakaroon ng pop-up shops sa Metro Manila. Ilan sa mga komento ng netizens ang pawala-walang signal, SIM cards na hindi compatible sa maraming cellphone, at mabagal na internet.
Iginiit ni Hontiveros na nag-commit ang Dito na magbibigay ng 27 megabits per second na internet speed sa loob ng isang taon ng operasyon nito. Nangako rin ang telco na maaabot ng 55 Mbps internet speed ang 84% populasyon ng bansa sa loob ng limang taon.
Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 25-year franchise ang Dito.
“Dapat i-monitor ito ng DICT at igiit sa Dito na ayusin kaagad ang kanilang serbisyo. Masyado naman yata silang pinagbibigyan. If it cannot step up, the government can very well claim the billions of pesos in performance bond when we want. Ang perang iyan ay mapapakinabangan pa sa health and economic needs ngayong pandemya,” ani Hontiveros.
Matatandaang bomoto si Hontiveros salungat sa pag-aproba ng prankisa ng Dito telco. Nauna nang inihayag ng senadora na ang pagkakaroon ng telco na bahagyang pagmamay-ari ng Chinese State ay labag sa pambansang interes, lalot agresibong nanghihimasok ang Çhina sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
“Bawal nang magpalusot ang Dito. Simulan na nilang patunayan na mapapakinabangan nga ng mga Filipino ang serbisyo nila. Lugi na nga tayo sa West Philippine Sea, lugi pa tayo sa internet,” pagtatapos ng senadora.