MALAPIT sa puso ni Jake Zyrus ang bago niyang music video na Fix Me na napapanood na ngayon sa Apple Music at Star Music YouTube channel. Ang dahilan, nais niyang ayusin o i-‘fix’ ang sariling mental health.
“Nakapersonal sa akin ng kanta na kung minsan I would be asking my partner, ‘do I deserve love?’ I still feel that especially ‘pag nati-trigger ako at everytime I sing ‘Fix Me’ or hear it, nakare-relate talaga ako,” katwiran niya.
Excited ding iparinig muli ni Zyrus ang tunog pop R&B na roon siya nakilala dati at ang falsetto voice niya pagkatapos ng matagal na pahahon ng kanyang transition.
Aniya, ”I started as a pop R&B singer so naisip ko it’d be nice na mag-release ng kantang may tunog na familiar na sa mga makikinig.”
Ramdam ang matinding emosyon ni Jake sa Fix Me MV na talaga namang world-class ang dating at may bonus dance moves pa mula sa international singing sensation. Si Edrex Clyde Sanchez ang nagdirehe ng video sa ilalim ng production ng ECS Films.
Nito lang buwan inilabas ng ABS-CBN Music International ang kantang Fix Me ng Kapamilya singer at naging bahagi ito ng New Music Friday Philippines playlist ng Spotify at Absolute OPM at New in POP playlist ng Apple Music.
Bigatin ang mga sumulat ng nasabing awitin na mula pa sa Grammy-winning composer na si Kenneth Mackey, Swedish singer-songwriter na si Andreas Moss, at American record producer na si Joshua Bronleewe.
Ipinodyus naman ito ng Filipino-American musical director na si Troy Laureta na kamakailan ay ini-nominate ni Jake para sa Inspiration List ng Good Morning America sa pagdiriwang ng Asian American and Pacific Islander Heritage Month.
Samantala, nakasungkit na naman ng isa pang gold award ang documentary na Jake and Charice ng NHK Japan sa Hamburg 2021 World Media Festivals para sa kategoryang Inclusion and Diversity. Kuwento ng docu ang coming out journey ni Jake bilang isang transman.
Panoorin ang Fix Me music video at patuloy na pakinggan ang single sa iba’t ibang music streaming services.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio