Babaeng nabundol ng fire truck nabulag
NASAGASAAN ng fire truck ng Bureau of Fire Protection ang 31-anyos babae nitong Linggo ng gabi sa bayan ng Pateros.
Sinabing ligtas na ang biktimang si Annie Tiar ngunit kinailangang operahan upang tanggalin ang labis na napinsalang mata.
Kinilala ang suspek na si FO2 Ramon Lactao II, 36 anyos, nakatalaga sa Pateros Fire Station, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury and damage to property.
Sa report ng Pateros Traffic Bureau, base sa kuha ng CCTV camera, naganap ang insidente dakong 8:45 pm sa M. Almeda St., Bgy. Magtanggol.
Naglalakad sa sidewalk ang biktima kasama si Salome Perez nang biglang sumalubong sa kanila ang fire truck na humaharurot.
Sinubukang umiwas ng dalawang babae, ngunit nahagip si Tiar.
Nabangga rin ng fire truck ang isang nakatigil na kotseng itim, habang nadapa ang isang motorcycle rider para makaiwas sa truck.
Hinuli ng mga pulis ang bomberong si Lactao na tumangging magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.
Nabatid sa barangay, ang naturang kalsada ay itinuturing na accident prone area. (JAJA GARCIA)