2 MMDA traffic enforcers sibak sa extortion
SINIBAK sa serbisyo ang dalawang traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos mag-viral sa social media ang video ng kanilang ginawang pangingikil.
Kinilala ang dalawang enforcer na sina Edmon Belleca at Christian Malemit, na kapwa guilty sa kasong extortion at grave misconduct.
Napag-alaman nakunan ng video ang dalawa noong 23 Abril 2021 na nanghihingi ng halagang P1,000 mula sa hinuli nilang motorista dahil lumabag sa Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act and Reckless Driving.
Ini-upload ito ng isang netizen na kilnialang si Miriel Custodio hanggang mag-viral ito sa social media.
“Natapos na po ang imbestigasyon ng MMDA sa kaso ng dalawang enforcers. Dahil sa bigat ng mga ebidensiya laban sa kanila, sila po ay napatunayang guilty kaya’t tanggal na po sila sa kanilang tungkulin at hindi na maaaring makapagserbisyo pang muli,” ani MMDA Chairman Benhur Abalos. (JAJA GARCIA)