ANG labanan ngayon ay kung sino ang ‘sinungaling.’ Hindi kung sino ang matuwid.
Ibig nating sabihin, sa ganang atin, dapat ang pinagdedebatehan ay kung bakit hindi dapat namamalagi ang halos nakaparadang mga barko ng China sa karagatang nasasakop ng teritoryo ng Filipinas.
Imbes debate kung paano igigiit ang rejection ng Permanent Arbitration Court noong Hulyo 2012 sa argumento ng China na sila ang may sovereign and historic rights sa ‘pinag-aagawang’ rehiyon sa karagatan dahil pasok umano sa tinatawag nilang ‘nine-dashed line.’
Sa arbitrasyong din ito, kinatigan ang Filipinas na may eksklusibong karapatan sa Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Panatag Shoal at Bajo de Masinloc, isang kulumpon ng rock formations na matatagpuan sa 330-kilometer exclusive economic zone ng bansa.
Sa nine-dashed line ng Beijing, inaangkin nito ang pag-aari sa 85.7 porsiyento ng nasabing rehiyon sa karagatan na may record na tinatayang $5 trilyong global trade passes kada taon.
Siyempre, ang debate ay kung bakit dapat igiit ang 2012 Permanent Arbitration Court pero bakit parang pumasok sa argumentong sinungaling ba o hindi si Justice Carpio?!
Nakapagtataka na ang matalinong gaya ni Ex-Chief Justice Antonio Carpio ay pumasok sa ‘bitag’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi nga, si Pangulong Digong ay masugid na mag-aaral ni Sun Tzu.
Kaya ang naging isyu: “Sangkot nga ba si Justice Carpio sa desisyon na mag-withdraw ang Philippine Navy ships sa West Philippine Sea noong taon 2012 standoff sa pagitan ng naval vessels ng Filipinas at ng China sa Scarborough Shoal?”
‘Na-ugok’ pa nga ni Pangulong Duterte si Justice Carpio na kung karera sa abogasya at batas ang pag-uusapan ay milya-milya ang layo sa una.
Sabi nga ni Digong: “papel lang ‘yan.” at “Pareho lang tayong abogado.”
Kung tutuusin, napagtagumpayan ni Carpio na magkaroon ng solong kontrol sa West Philippine Sea. Isa siya sa mga contingent na nagdala ng kaso sa Permanent Arbitration Court.
Kaya kung matutuloy ang debate nina Pangulong Digong at Justice Carpio, hindi ba’t iyon dapat ang marinig na diskusyon ng sambayanan mula sa dalawang abogado?!
Pero sinakyan ni Justice Carpio ang pang-uurot ni Pangulong Digong.
Sabi niya: “President Duterte should now resign immediately to keep his word of honor. I state under oath that I was never involved in the decision to withdraw Philippine Navy ships from the West Philippine Sea during the 2012 Scarborough standoff.”
Dahil siya raw noon ay Supreme Court Associate Justice.
“At that time and all I knew about the withdrawal of Philippine Navy ships was what I read in the newspapers. I call as my witnesses former President Benigno Aquino III and the Defense Secretary, Foreign Affairs Secretary and the Chiefs of the Philippine Navy and the Coast Guard at that time,” dagdag hamon ni Justice Carpio.
Dahil parehong abogado sina Pangulong Digong at Justice Carpio, nag-alok ang Philippine Bar Association
na sila ang magho-host ng debate sa pagitan ng Pangulo at ng dating Supreme Court Senior Associate Justice.
Kaya ngayon, ang inaabangan na lang natin, kung kailan ang debate at kung sisipot ba si Pangulong Digong?!
“DARLING OF THE PRESS”
SI NEWLY APPOINTED
CHIEF PNP, GEN.
GUILLERMO ELEAZAR
AKALA ng inyong lingkod kanina, may ‘virus’ na kumakalat sa social media.
Aba ‘e halos napuno ang newsfeed ko ng mga taga-media na kasama sa selfie o groupie si incoming Philippine National Police (PNP) Chief, Gen, Guillermo Eleazar.
‘Viral’ pala, hindi virus… hehehe.
Kidding aside, gusto muna nating batiin si Gen. Eleazar — “Congratulations Sir! That top PNP post badly needed an officer and a gentleman like you.”
Kaya nga, ‘viral’ ka kahapon sa newsfeed, e. Ibig sabihin walang kontra, lahat pabor.
Talaga namang tunay na “Darling of the Press” ang bagong PNP Chief.
Kung nasusundan ninyo, mga suki, ang karera ni Gen. Eleazar, masasabi natin ngayon, “sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.”
Kamakalawa, sinabi ng palasyo na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gen. Eleazar bilang bagong PNP chief bunsod ng kanyang integridad, propesyonalismo, at dedikasyon to serve and protect the people and the country.
Alam naman nating lahat na ang papalitan ni Gen. Eleazar ay ang No. 1 fan ni Voltes V na si outgoing PNP Chief, Gen. Debold Sinas, akatakdang magretiro bukas, Sabado, 8 Mayo, dahil sa mandatory retirement age na 56 anyos.
Sana naman, walang paglabag na maganap sa health protocols bukas. Kung magkakaroon ng ‘asalto’ para sa kanyang birthday, e huwag naman sanang maging eskandaloso na naman.
Huwag na mag-iwan ng isyu na tatabon pa sa karera ni Gen. Eleazar bilang bagong PNP chief.
Abangan na lang natin kung ano ang magiging ‘pabaon’ o ‘pabuya’ ni Gen. Sinas sa kanyang mga patron.
Si Gen. Eleazar ay mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1987, naging PNP Deputy Chief for Administration at hepe ng National Capital Region Police Office (NRCPO).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaasahan ng Malacañang na ‘ipagpapatuloy’ ni Eleazar ang mga reporma sa PNP sa kanyang pag-upo bilang pinuno ng pambansang pulisya.
By the way, nakatakdang magretiro si Eleazar sa darating na Nobyembre 2021, alinsunod rin sa mandatory retirement age na 56 anyos.
Ibig sabihin, anim na buwan lang maninilbihan bilang pinuno ng pambansang pulisya si Gen. Eleazar, maliban kung palalawigin ito hanggang sa eleksiyon sa 2022.
O kung, bibigyan siya ng appointed position sa government offices, bilang ‘pabaon.’
Pansamantala, hayaan nating ipagpatuloy ni Gen. Eleazar ang kanyang paglilingkod sa sambayanan bilang PNP chief.
Muli, congratulations Gen. Eleazar!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap