ni ROSE NOVENARIO
NABIGO si Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin na masungkit ang inaasam niyang suporta sa tinaguriang Davao Group o ang pangkat na pinakamalapit sa pamilya Duterte.
Sinabi ng source kamakalawa sa HATAW, nabisto umano ng Davao Group na gusto ni Villamin na ihanay sila sa mga opisyal ng administrasyon na ginasgas para palabasing kakampi niya sa pekeng adbokasiya na tumulong paunlarin ang sektor ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng pangangalap ng puhunan sa publiko, lalo na mula sa overseas Filipino workers (OFWs).
“Taliwas sa ipinangangalandakan niyang sanggang-dikit sa pamilya Duterte, matagal na palang dumistansiya sa kanya ang ipinagmamalaki niyang ‘alas’ sa kanilang bakuran,” dagdag ng source.
Nangyari umano ito matapos ang sunod-sunod na kasong syndicated estafa na isinampa laban kay Villamin at kanyang mga kaanak bilang matataas na opisyal ng DV Boer Farm Inc.
Ibig sabihin ay nagtapos na umano ang ilang taong pagpapanggap ni Villamin bilang Duterte supporter para makombinsi ang OFWs na maging Pa-Iwi investors at maglagak ng pera sa Microfinance program ng kanyang DV Boer.
Ang nahamig ni Villamin na multi-bilyong piso mula sa kanila’y ipinantustos sa maluho niyang pamumuhay, pagsusugal at para panggastos sa pangarap niyang maging mambabatas.
Ngunit lumiliit na umano ang mundo niya lalo na’t may mga resolusyon nang inilabas ang iba’t ibang piskalya sa kasong syndicated estafa at iniakyat na sa mga hukuman.
Umaasa ang mga naloko ni Villamin na aaksiyonan ng isang hukom sa Rizal ang kasong syndicated estafa laban sa kanya lalo na’t mahigit isang buwan na itong nasa kanyang mesa.
Nakasaad sa rules of court, tatlong araw lang ang takdang panahon para maglabas ng warrant of arrest laban sa akusado.
Pero dahil isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR plus bubble mula noong nakalipas na buwan, tila nagkaroon ng rason ang hukom para mabinbin ang kanyang aksiyon laban kay Villamin.
(May Karugtong)