Tuesday , January 21 2025
Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga pag-amyenda sa 11-anyos na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (Republic Act No. 10591) sa pamamagitan ng kapalit na Senate Bill 2895 – na nakatuon sa pagtataguyod ng mas praktikal na batas sa baril habang pinapanatili ang mga kinakailangang pag-iingat.

Noong nakaraang linggo, iginiit niya ito dahil inaapura ang panukala para mailusot sa Kongreso. Pero maliban kay Senate President Migz Zubiri — na simula pa man ay sinusuportahan na ang karapatan ng mga nagmamay-ari ng baril — hindi malinaw kung pareho rin ba ang sentimiyento ng ibang senador sa nasabing adbokasiya.

Gayonman, isa pa rin itong usapin na kailangang bigyang-pansin — hindi lamang para sa pagsusulong ng responsableng pagmamay-ari ng baril kundi para sa pagbabalanse ng karapatan ng mga indibiduwal at ng kaligtasan ng publiko.

Bilang isang responsableng gun owner, naniniwala akong ang pangunahing isyu sa mga amyendang iminumungkahi ni Senator Bato ay ang pagbabago sa Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) na mula sa kasalukuyang nakasalalay sa uri ng baril, dapat na idepende sa nag-iingat nito.

Ibig sabihin, isyuhan ng PTCFOR ang nag-iingat ng baril, payagan silang bitbitin ang alinman sa kanilang mga lisensiyadong armas sa halip na limitahan sila sa iisa lang. Pasisimplehin nito ang pagtalima sa batas kaya magiging mas praktikal.

Bukod diyan, may magandang balita rin para sa mga shooting enthusiasts: pinalalawak ng panukala ang exemptions sa threat assessment requirement para sa ilang partikular na propesyon. Bukod sa mga abogado, kaming mga nasa media, at mga doktor, masasaklaw na rin ng exemption ang mga allied medical professionals, maging mga reservists, at security officers sa mahahalagang industriya.

At para sa mga nag-iingat ng hindi rehistradong armas, may probisyon sa panukala para sa boluntaryong pagrerehistro sa mga ito, nagbibigay ng pagkakataon sa mga unregistered gun owners na sumunod sa batas nang walang agarang multa. Naniniwala akong hihikayat ito ng pagkakaroon ng pananagutan at magsisigurong mas maraming baril ang mapapasailalim sa regulasyon ng gobyerno.

Dagdag pa, itataas din ng amending bill ang bilang ng bala na papahintulutang dalhin ng isang may License to Own and Possess Firearms (LTOPF) mula sa 50 rounds para maging hanggang 500 rounds kada rehistradong baril. Samantala, ang mga sports shooters ay papayagang magbitbit ng hanggang 5,000 rounds.

Bagamat ang mga pag-amyenda ay magdudulot ng kabutihan, hindi rin naman perpekto ang mga ito. Halimbawa, ang pagpapaikli ng election gun ban sa 45 araw bago at limang araw makalipas ang eleksiyon ay dapat na mahigit dalawang beses na busisiin ng Kongreso.

Isaisip natin ang maraming insidente ng karahasang may kaugnayan sa halalan dito sa ating bansa, pinalalala ng away-politika at tumitinding alitan sa lokal na antas. Ang mas maiksing ban ay maaaring magpalakas ng loob sa may masasamang balak.

Isa pang dapat na masusing tutukan ang panukalang decentralization ng kapangyarihan sa pag-iisyu ng PTCFORs. Sa kasalukuyan, ang kapangyarihang ito ay nasa Philippine National Police (PNP) Chief, tinitiyak ang centralized oversight.

Ngunit kung magiging matagumpay ang pag-amyenda na ipaubaya ito sa regional directors o sa hepe ng Regional Civil Security Unit, hindi ba delikado naman pagdating sa pabago-bago at palakasang pabor sa pag-iisyu ng permit sa mga rehiyon? Maaaring magbunsod pa nga ito sa kuropsiyon.

Naiintindihan natin na malinaw na ang intensiyon ng SB 2895 ay magkaroon ng balanse sa pagtataguyod ng estriktong kontrol habang pinoprotektahan ang karapatan ng indibiduwal. Gayonman, hindi dapat nakokompromiso ng mga reporma ang kaligtasan ng publiko kapalit ng ginhawa lalo kung ang usapin ay tungkol sa baril, na may nakamamatay na kahihinatnan.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Peace o power?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANO pa man ang itawag, ang “peace rally” na …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 100-araw ni Col. Buslig sa QCPD, krimen patuloy sa pagbaba

AKSYON AGADni Almar Danguilan ENERO 11, 2025, ang unang isandaang araw ni PCol. Melecio M …

Dragon Lady Amor Virata

Pulis na private security ng mga kandidato, ipinasisibak

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MGA kandidato sa 2025 elections na may mga banta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

QC-LGU, may paaginaldo pa sa QCitizens

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAPOS na ang Pasko…at heto nga Bagong Taon — 2025 na, …

Firing Line Robert Roque

Renovation na karapat-dapat

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SUMASAILALIM ngayon ang Rizal Memorial Sports Complex, isang makabuluhang …