RATED R
ni Rommel Gonzales
HALAKHAK ang unang isinagot sa amin ni Sylvia Sanchez nang tanungin kung totoo ba ang tsikang binalak niyang tumakbong konsehal sa Quezon City sa nalalapit na eleksiyon.
“Hindi! Ha!ha!ha! hindi!”
Noon pa man sa probinsiya nila sa Nasipit sa Agusan del Norte ay marami na ang humihikayat sa kanya na pasukin ang public service, at iyon ay noon pang panahon na hindi pa Congressman ng 1st District ng Quezon City ang anak niyang si Arjo Atayde.
“Sa probinsiya, noon pa ‘yun, ‘di ba? Oo, noon pa ‘yun.
“Noon pa yun sa amin, sa Agusan del Norte, 2016 pa,, 2019, tapos 2022 ba ulit?
“Tapos ngayon din ulit, mayroon ulit, pinatatakbo ako roon na mayor. Paano ako tatakbo roon kung ‘yung mayor kailangan andoon palagi, eh dito ang buhay ko?”
Rito nga naman sa Maynila abala si Sylvia bilang producer, with Nathan Studios, na ang first venture nila ay hard action/drama film na Topakk na si Arjo ang bida.
Umamin naman si Sylvia na sa QC ay may mga “nanligaw” sa kanya na pasukin ang politika.
“Actually, may nagsasabi, pero… may nagsasabi na may nag-ano, pero okay na.
“Lola na ako.”
Nanganak si Ria Atayde, anak nina Sylvia at Art Atayde noong September 23 sa first baby nila ni Zanjoe Marudo.
“Ayoko,” pagpapatuloy pa ni Sylvia tungkol sa pagpasok sa politics, “kahit sa Agusan, ayaw ko.
“Nakatutulong naman ako eh at saka rito (QC) nakatutulong din naman ako, kasi lalo ngayon si Arjo ang congressman.
“So ang bilis kong pumunta kahit saan para tumulong, ako kay Arjo.”
Speaking of Arjo, puspusan na ang promo ng Nathan Studios para sa pelikulang Topakk na lead male star at entry sa 50th Metro Manila Film Festival sa December 25.
Sa direksyon ni Richard Somes, kasama ni Arjo sa Topakk sina Julia Montes, Sid Lucero, Enchong Dee at marami pang iba.