Newbie singer Jam Leviste bitbit buong puso sa pagbabahagi ng kanyang musika

Jam Leviste

HANDANG-HANDA na ang 15 taong gulang na si Jam Leviste na ipakita ang galing sa pagkanta at ganda ng boses sa pamamagitan ng kanyang bagong awitin, ang Awit ng Puso at NASSA—(Nawala Ako Sa Sarili),

Kuwento mula sa puso kung ilarawan ni Jam ang kanyang dalawang debut single. 

Si Jhamz “Jam” Lathica Andaya, na mas kilala ngayon sa kanyang screen name na Jam Leviste at nagmula sa Malolos, Bulacan, ay unti-unti nang humahakbang sa mundo ng showbiz dala ang kanyang musika, passion, at pangarap na higit pa sa kanyang sarili.

Natuklasan si Jam ng kasamahang manunulat na si Audie See, na kasalukuyang Grade 9 student sa Stella Maris Academy.

Hindi planado ni Jam ang pagiging singer—ang musika ang tila nakahanap sa kanya. At nang dumating ang pagkakataon, ibinigay niya rito ang kanyang buong puso.

Ang kanyang debut single na Awit ng Puso ay isang makabagbag-damdaming ballad na isinulat ng kilalang hitmaker na si Mr. Vehnee Saturno. Sinundan ito ng isang masigla at relatable na awitin na NASSA na isinulat din ni Saturno.

At para higit na mabigyang-buhay ang kanyang mga awitin, gumawa rin si Jam ng music video na idinirehe ng award-winning international filmmaker na si Alexander Kenneth Anderson, kapatid ng kilalang aktor na si Gerald Anderson.

Sobrang nagpapasalamat ako na sa wakas ay maibabahagi ko na sa lahat ang aking musika,” ani Jam. “Ang ‘Awit ng Puso’ at ‘NASSA’ ay simula pa lamang. Maraming salamat, Tito Audie See, sa pagtuklas sa akin at sa paniniwala sa aking kakayahan. Gusto kong maging inspirasyon sa ibang teenagers na abutin ang kanilang mga pangarap—maging ito man ay pagkanta, pag-arte, o kahit paglipad ng eroplano. Huwag matakot na magsimula.”

Malaki ang pangarap ni Jam mula pa noon. Pangarap niyang maging mang-aawit at aktres, at handa siyang magsikap upang makamit ang mga ito.

Bilang isang estudyante, aktibo si Jam sa mga gawaing pang-eskuwela at sa teatro, habang sinisikap ding mapanatili ang kanyang magandang pagganap sa akademya. Para sa kanya, mahalagang maging responsable at magbigay ng buong effort—maging sa paaralan o recording studio.

Si Jam ay anak nina Maricie at Mario Andaya, may-ari ng isang manufacturing business na gumagawa ng electrical switchgear panel boards.

Sa gabay ng kanyang manager na si Audie See at sa walang-sawang suporta ng kanyang pamilya, handa na si Jam na gawin ang kanyang mga unang malalaking hakbang sa industriya.

Bitbit ang musika mula sa puso at mga pangarap na abot-langit, nagsisimula pa lamang ang magandang paglalakbay niya. (Maricris Valdez)