AGAD binawian ng buhay ang municipal administrator ng bayan ng Pilar, lalawigan ng Capiz, nang pagbabarilin ng dalawang suspek sa lungsod ng Roxas, nitong Linggo ng hapon, 2 Mayo.
Kinilala ang biktimang si John Heredia, 54 anyos, kilalang beteranong mamamahayag at dating chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa naturang lalawigan bago naitalagang municipal administrator ng bayan ng Pilar.
Nabatid, kalalabas ni Heredia sa isang hardware store sa Brgy. Lawa-an at pasakay sa kanyang sasakyan nang paulit-ulit na pinagbabaril ng riding-in-tandem na agad niyang ikinamatay.
Nagsilbi si Heredia bilang executive producer at host ng isang cable television program na “Abri Aga” at nagsulat din para sa mga lokal na peryodiko.
Ayon sa NUJP, dating national director at chairperson ng Capiz chapter si Heredia.
Samantala, kinompirma ng maybahay ng biktima na si Atty. Criselda Azarcon-Heredia, na nakatatanggap ng mga banta sa kanyang buhay ang kanyang asawa.
Pahayag ng biyuda sa mga mamamahayag sa lungsod ng Roxas, ipinauubaya niya sa pulisya ang imbestigasyon kaugnay sa pamamaslang sa kanyang asawa.
Napag-alamang nauna nang nakaligtas sa pananambang si Criselda, miyembro ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), noong Setyembre 2019 sa bayan ng Sigma, sa parehong lalawigan.
Hindi pa malinaw sa kasalukuyan kung may kaugnayan ang dalawang insidente.
Sa Bicol, sinalakay ng mga pulis ang bahay ng isang campus journalist kahapon ng madaling araw.
Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), isang araw bago ang World Press Freedom Day, sinalakay ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tahanan ng student journalist na kinilalang si Justine Mesias, sa Daraga, Albay.
Nabatid, dakong 4:00 a.m. kahapon, 2 Mayo, 40 elemento ng PNP-CIDG ang sumalakay sa bahay nina Mesias.
Si Mesias ay senior editor ng college publication Cassipi Online ng Bicol University at tagapagsalita ng Youth Act Now Against Tyranny (YANAT) Bicol.
Sa inisyal na impormasyon mula sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP), wala si Mesias nang maganap ang insidente.
Halos 20 pulis ang sapilitang pumasok sa tahanan ng mga Mesias at namalagi roon nang halos dalawang oras.
Sinabi ng raiding team, nakakuha sila ng .45 kalibreng baril at umano’y mga pampasabog sa bahay ng student journalist.
Bago mangyari ang pagsalakay, si Mesias ay ini-red-tag ng Masbate City Police Station sa kanilang Facebook page.
Dalawang aktibista pa ang inaresto sa Bicol sa magkahiwalay na insidente kahapon. (KARLA G. OROZCO)