Friday , November 15 2024
YANIG ni Bong Ramos
YANIG ni Bong Ramos

Pulis at barangay, mistulang mga hari sa panahon ng pandemya

MISTULANG mga hari kung umasal at gumalaw ang mga pulis at barangay sa panahong ito ng pandemya na lubhang ikinababahala ng marami nating mamamayan.
 
Ibang iba nga naman ang kanilang nagiging ugali kung ikokompara sa dating normal na panahon na halos hindi sila napapansin.
 
Sa panahon ng pandemya, lumabas na ang tunay na ugali ng mga inaakala nating lingkod bayan o lingkod ba ‘yan? Umangas, yumabang at muling ipinairal ang pag-abusa sa kapangyarihan lalo sa paggamit ng kanilang wang-wang nang walang katuturan na lalong nagdudulot ng tensiyon sa mamamayan.
 
Sila na rin ang hari ng lansangan, imbes nagpapatupad ng batas ay sila pa ang unang pasaway partikular sa batas trapiko.
 
Ilang halimbawa ng batas trapikong kadalasang sinusuway nila ang counterflow, beating the red light, at ang walang kamatayang paggamit ng wang-wang na walang ibang dulot kundi ingay at pangamba.
 
Maging sa pagtupad sa health protocols ay ipokrito ang dating ng mga politiko at lespu, partikular sa pagpapatupad ng physical distancing a mga residente na mistulang mga alipin kung kanilang sigawan at diktahan.
 
Pero huwag ka, minsan ay pumasyal kayo sa mga presintong nasasakupan ng Manila Police District (MPD) at dito ninyo makikita kung paano magkumpulan na halos magkapalit-palit na ang mga mukha. Nakatambay lang sa labas, kuwentohan, pakarahan nang walang katuturan.
 
Kung may hari ay mayroon din mga super-hari tulad ng ipinamamalas ng mga station commander na bawal puntahan, kausapin o masilayan man lang.
 
Ito siguro ang binabantayan ng kanilang mga pulis na nakatambay sa labas ng presinto kung kaya’t bawal pumasok o dumalaw maski sino. Sa labas lang ng presinto mo iiwanan ang mga pagkain ng mga preso na ‘di natin tiyak kung makararating o hindi.
 
Bawal mangatuwiran at magtanong sa kinauukulan ang maski na sino dahil malamang na mabulyawan ka lang o makulong ka pa kung mamalasin.
Tinalo pa nila sa higpit ng patakaran ang Manila City Hall na labas-masok ang mga taong may transaksiyon o sadya sa iba’t ibang tanggapan at departamento.
 
Maging ang tanggapan ni Yorme Isko Moreno ay bukas sa sa mga taong nais siyang kausapin, tanungin o maski na punahin kung kaya nga ito ay city hall. Wala kang ibang dapat na gawin kundi sumunod sa mga health protocol partikular ang pagsusuot ng facemask at face shield.
 
Bukod-tanging ang pulisya lang ang may estilong kakaiba, lalo ang mga station commander na nagbababa ng polisiyang tila baluktot. Serve and protect daw ang pangunahin nilang tungkulin… para siguro sa sarili nilang kapakanan.
 
Talaga sigurong feeling hari dahil guwardiyado-sarado ng kanilang mga lespu na de-susi at daig ang bampira sa pagsisipsip. He he he…
 
Malamang na bawal din dapuan ng langaw, bawal mahanginan at bawal din maarawan. Baka naman mamanas kayo at magkulay eroplano sa sobrang proteksiyon ninyo sa sarili.
Mabuti pang di-hamak ang inyong District Director na si Gen. Leo Francisco na maski paminsan-minsan ay bumababa at lumalabas sa kanyang kuwarto upang makihalubilo.
 
Bukas din naman ang kanyang tanggapan at puwedeng pumasok ang may sadya o pakay, provided na may suot na facemask at face shield.
 
Iyan ang tunay na ehemplo, flexible, down to earth at talagang tinutupad and kanyang bokasyon — “to serve and protect” na ‘di gaya ng iba riyan. He he he…
 
KUNG GANO’N ANG MGA PULIS
GANOON DIN ANG MGA BARANGAY
 
Kung nag-aasal hari ang mga pulis, ganoon din ang mga kawani ng barangay na “feeling like a king” din lalo sa kanilang mga desisyon at disposisyon sa kanilang nasasakupan.
 
Mukha yatang spoiled na spoiled sa mga kinauukulan ang ating mga barangay kung kaya’t ganoon na lamang ang lakas ng loob sa pagpapatupad ng kung ano-anong polisiya sa kanilang barangay.
 
O baka naman binigyan na talaga sila ng basbas upang gumawa ng sarili nilang batas sa kani-kanilang barangay na hindi na kailangan pang komunsulta o humingi ng approval sa kanilang superyor.
 
Kung ganon nga ay hindi na tayo dapat magulat at magtaka kung hari nilang ituring ang kanilang sarili na hindi puwedeng salungatin at kuwestiyonin ng sinoman.
 
Makikita n’yo naman ang pruweba nito mula sa chairman, mga kagawad hanggang sa kanilang mga tanod. Dominante nila ang kanilang AOR at hindi sila puwedeng sitahin.
 
Mantakin ninyong ganoon na lamang magpasara ng mga kalye, eskinita at iba pang puwedeng daanan ng tao. Ang desisyong ito ay walang konsultasyon o abiso man lang sa kanilang constituents.
 
Good as lockown din ang situwasyon at kalagayan ng kanilang nasasakupan na basta na lang kinordonan at binarikadahan upang walang makapasok o makalabas nang walang authorization galing sa kanila, mabigat po, ‘di ba?
 
Ang masaklap pa rito, hindi mo malaman ang rason at dahilan kung bakit basta-basta na lang isasarado ang mga kalye. Wala naman sigurong problema kung idedeklara nila ang kanilang motibo at intensiyon.
 
Ano man lang na sabihin na maraming residente ang positibo sa CoVid-19 kung kaya’t kailangan protektahan ang kalusugan ng lahat hindi lang ng kanilang barangay.
 
Hindi tuloy natin malaman kung trip lang o gaya-gaya lang na nakikisabay lang sa usong sayaw o kanta. May posibilidad din naman na mayroon silang sariling interes.
 
Wala naman problema kung ano man ang kanilang interes. Ang malungkot dito, ang marami nating kababayan na nagsasakripisyo at kung saan-saan pang kalye umiikot para makaraan lang.
 
Huwag sana kayong pansarili at nawa’y isipin ninyo ang kapakanan ng marami. Hirap na ang mga tao, pina-hihirapan n’yo pa.
 
Mukhang pabor na pabor sa inyo ang lockdown, bakit kaya? Malaki siguro ang kinikita ninyo sa inyong gimik at pakana ano? He he he…
 
Okay lang, samantalahin ninyo ang situwasyon dahil araw n’yo ngayon pero isipin n’yo rin na hindi forever iyan. May hangganan din ang mga araw ninyo at baka dapithapon n’yo na ang sumunod na obligado ninyong tanggapin at harapin.
 
YANIG
ni Bong Ramos

About Bong Ramos

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *