11 akusado sa Dacera case inabsuwelto
IBINASURA ng Makati City Prosecutor’s Office ang inihaing reklamo ng Makati City Police Station laban sa 11 katao na isinangkot sa kaso ng namatay na flight attendant na si Christine Dacera.
Nakasaad sa inilabas na 19-pahinang resolusyon ni Makati Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan, ang reklamo ay dismissed for lack of probable cause.
Ayon kay Atty. Mike Santiago, abogado ng lima sa mga respondent, walang sapat na batayan upang isampa ang kaso sa korte, walang matibay na ebidensiya na magdidiin sa kanyang mga kliyente sa kaso.
Absuwelto sa reklamong rape with homicide sina John Pascual Dela Serna; Rommel Galido; John Paul Halili ;Jezreel Rapinan, alyas Clark Rapinan; Gregorio Angelo Rafael De Guzman; Alain Chen, alyas Valentin Rosales and Val); Mark Anthony Rosales; Reymar Inglis; Louie Delima ; Jamyr Cunanan at
Eduardo Pangilinan III.
Sa medico legal report na inilabas ng Philippine National Police (PNP), sinabing natural cause ang dahilan ng pagkamatay ni Christine Dacera o “ruptured aortic aneurysm” dahil sa mataas na blood pressure.
Magugunitang si Christine Angelica Dacera, 23, flight attendant ay nadiskubreng patay matapos ang isinagawang New Year’s eve party kasama ang mga kaibigan sa isang hotel sa Makati City. (JAJA GARCIA)