Friday , November 15 2024

Bigyan ng silencer si ‘Machine-gun Tony’

HINDI ako nagkaroon ng pagkakataong pagmasdan ang mga mata ni Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., para makita ko sana kung gaano kalawak niyang sinasalamin ang kanyang kaluluwa. Ang tiyak ko lang, kinakatawan ng kanyang maruming bunganga ang marumi rin niyang pag-iisip.
 
Hindi ko na kailangang tanungin pa ang mga senador, na tinawag niyang “stupid” kung sumasang-ayon ba sila sa akin. Sapat nang prehuwisyo ang mga ginawa niyang red-tagging sa mga naglunsad ng community pantry para abalahin ko pa sila sa pagkompirmang siya ang pinakahindi matalino sa kanyang batch sa Armed Forces of the Philippines.
 
May mga bagay talaga na wala nang pag-asa, gaya rin ng ilang utak, tulad ng sa partikular na heneral na ito, na wala nang solusyon. Ilang tao ang wala nang pinangingilagan, gaya ng may mga labi, tulad ng sa tagapagsalitang ito ng NTF-ELCAC, na walang bukambibig kundi mga walang basehang hinala at akusasyon. Mayroong mga kamay na nabibigong magkawanggawa, tulad ng may ilang puso, gaya ng sa pinunong ito ng SOLCOM, na hindi magawang makiramdam para sa mga nangangailangan o sa kabutihan ng puso ng mga taong sumasaklolo sa kanila.
 
Katoliko man o hindi, ang pananampalataya, pag-asa, at pagtulong ay tatlong theological virtues na dapat magsilbing pundasyon ng ating buhay at pananatili sa mundo. Alisin mong lahat ito mula sa tao at hindi ko alam kung anong klaseng demonyo ang mananahan sa kanya. Masasagot marahil ni Parlade ang tanong na ito kapag humarap siya sa Senado.
 
* * *
 
Sa ngayon, tama lang ang naging pasya ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., na busalan ang matalim na bunganga ng tagapagsalita ng anti-insurgency task force ng gobyerno.
 
Siyempre pa, ang mahiwagang salita na pumatid sa kable ng mikropono ni Parlade ay “defunding.” Ano pa nga bang mas malaking dahilan kaysa P19-bilyong budget, na pinagbantaan ng mga senador na ililipat sa mga mas makabuluhang proyekto ng gobyerno mula sa NTF-ELCAC?
 
Maayos na ipinaliwanag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung paanong sa bisa ng Konstitusyon ay magagawa ito ng Kongreso. At kung hindi pa malinaw ang mensaheng ito, ipinarating ni Sen. Panfilo Lacson sa maingay na heneral na handa ang Kongreso na pagdamutan ang NTF-ELCAC ng anomang budget sa 2022. Kailangan ko pa bang itanong kung anong proyekto na karapat-dapat sa bilyon-bilyong pisong budget ang maipagmamalaki ng tanggapan ni Parlade?
 
* * *
 
Ilang beses ko nang tinawag si Parlade na “Machine-gun Tony” sa walang kontrol na pagrapido ng kanyang bunganga, bahala nang tamaan ang kahit anong gumagalaw. Matagal na niyang ginagawa ito kaya naman mismong si AFP Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana na ang nag-utos noong Pebrero sa provost marshal general na tutukang maigi si Parlade.
Responsibilidad ng provost marshal general na tiyaking nadidisiplina at estriktong tumutupad sa mga panuntunan, polisiya, at regulasyon ang kalalakihan at kababaihan ng AFP. May panahong ang pagtutok ng pangunahing heneral sa kanyang 3-star general ay nakapagpatino kay Parlade.
 
Pero nitong huli, nang ganahan siya sa pag-uugnay sa mga pasimuno at volunteers ng community pantry sa mga komunistang gerilya, mistulang nawala na naman siya sa katwiran. Ang tanging basehan ng red-tagging niya sa kanila ay ang pantry slogan na, “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan,” na ginawang popular ni Karl Marx, isang sosyalistang rebolusyunaryo noong ika-19 siglo.
 
Delikado itong “Kool-Aid” na iniinom ni Parlade! Marahil hindi sapat ang gag order upang patahimikin ang kanyang bunganga. Kailangan siguro niyang makaranas ng banana float ngayong tag-init, o mas mainam yata kung mapaaaga ang kanyang pagreretiro.
 
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
 
 
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *