INUMPISAHAN na ang unang bugso ng roll out ng pagbabakuna kontra CoVid-19 para sa senior citizens na ginanap sa Heroes Hall, sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Natapos nitong Huwebes, 22 Abril, ang unang dose ng Sinovac vaccine na itinurok sa mahigit 1,600 senior citizens na tumugon sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Dr. Iris Muñoz, City Rural Health Physician/Manager, City Expanded Program on Immunization, mahigit 1,700 doses ng Sinovac Vaccine ang ibinigay ng Department of Health sa pamahalaang lungsod ng San Fernando para sa unang dose, dahil Sinovac pa rin ang bakunang gagamitin.
Makaraan ang 28 araw matapos ang unang dose ay doon pa lang ituturok ang pangalawang dose.
“Mayroon tayong post monitoring area after the bakuna, so definitely after mabakunahan ang mga Senior ay hindi muna sila aalis, imo-monitor muna nang minimum of 30 minutes, or depende sa sitwasyon. ‘Yung may comorbidities like ‘yung may hypertension, diabetes, pero kontrolado naman ay puwede namang pumunta at magpabakuna,” sabi ni Dr Muñoz.
“Ngunit kung may mga senior na immunocompromised tulad ng mga na-diagnosed na may kanser o iba pang sakit na talagang immunocompromised ang pasyente ay kinakailangang magpakita ng clearance at medical certificate mula sa kanyang pribadong doktor para makasiguradong ok ang pasyente,” dagdag ni Dr. Muñoz. (RAUL SUSCANO)