HINDI makapaniwala ang isang puganteng halos dekadang nagpakalayo-layo para pagtaguan ang batas nang maaresto ng mga awtoridad sa Manhunt Charlie operation ng PRO3 nitong Biyernes, 23 Abril, sa bayan ng Peñaranda, lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay PRO3 B/Gen. Valeriano de Leon, nadakip ang suspek na kinilalang si Benie Samaupan ng mga pinagsanib na puwersa ng RIU3, CIDG-PNP IG, PIU, Peñaranda MPS, Nueva Ecija PPO, at Gubat MPS ng Sorsogon, sa bisa ng alias warrant sa kasong rape with homicide na nilagdaan ni Judge Bernardo Jimenez, Jr., Executive Judge ng Branch 54, Gubat, Sorsogon, may petsang 18 Hunyo 2015 at walang inirekomendang piyansa.
Sa impormasyon ng Gubat Municipal Police Station, kabilang ang suspek sa listahan ng mga most wanted ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lalawigan ng Sorsogon.
May nakalaang pabuyang P135,000 ayon sa DILG Memorandum Circular No. 2020-022, may petsang 19 Pebrero 2021 para sa ikadarakip ng puganteng suspek.
“All police units are working together as we continuously step-up on our campaign to eradicate all forms of criminality including intensification of manhunt operations against wanted persons not just within the region but the whole country as well,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)