BINAWIAN ng buhay ang dalawang suspek na hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sa ikinasang drug bust na nauwi sa enkuwentro nitong Sabado ng umaga, 25 Abril sa bayan ng Sta. Rosa, lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija PPO, kay PRO3 director P/BGen. Valeriano de Leon, nanlaban nang makatunog na mga awtoridad ang mga nakatransaksiyon ng mga suspek na kinilalang sina Emmanuel de Guzman, residente sa 142 Balagtas BMA, San Rafael, Bulacan; at Eduardo Vendivil, Jr., residente sa B-81 L-11, San Esteban, Dasmariñas, Cavite, parehong nasa hustong gulang.
Nang makakuha ng buwelo, pinaputukan ng mga suspek ang mga alagad ng batas na agad nakaganti ng putok at nagresulta ng kanilang kamatayan.
Batay sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang mga pinagsamang puwersa ng PDEU,PIU NEPPO, PDEA NE RO3, 303rd MC RMFB3, at Sta. Rosa Municipal Police Office sa Brgy. Soledad, sa nabanggit na bayan.
Narekober ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang kalibre .38 pistol, mga basyo ng bala, 11 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 40 gramo at halagang P227,000, marked money, at iba’t ibang identification cards . (RAUL SUSCANO)