TINATAYANG nasa P3,400,000 ang nakompiskang halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang pinaniniwalaang mga big time tulak at supplier ng ilegal na droga sa inilatag na entrapment operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency 3 (PDEA3) Miyerkoles ng gabi, 21 Abril, sa kahabaan ng Mac Arthur Highway, Ninoy Aquino, (Marisol), lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni Director Christian Frivaldo ang mga naarestong mga suspek na sina Yasser Ibrahim, 25 anyos, binata, residente sa lungsod ng Angeles, at John Lagman, 45 anyos, may asawa, residente sa lungsod ng Mabalacat.
Sinabi ni Frivaldo, nasa radar ng PDEA3 simula noong Pebrero ang mga ilegal na modus ng mga suspek na pagsu-supply ng shabu sa naturang lungsod.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa pag-iingat ng mga suspek ang malaking pakete na naglalaman ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000, at marked money na ginamit sa operasyon.
“Our Agents secured a drug deal with the suspects for the sale of 500 grams and agreed to meet along Marisol road, until they were collared by PDEA operatives,” pahayag ni Director Frivaldo.
Kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek na isailalim sa custodial investigation ng mga raiding team. (R. SUSCANO)