Earth provides enough to satisfy every man’s needs, but not every man’s greed.
— Mahatma Gandhi
KUNG may nagsasabing lumitaw ang tunay na pagka-Filipino ng ating mga kababayan sa pagtatayo ng mga community pantry para makatulong sa kapwa na nangangailangan ng pagkain at iba pang mahahalagang bagay sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, aba’y mayroon din namang mga pagkakataon na ang lumitaw ay masamang ugali at pagiging sakim at walang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng iba kaya ngayo’y pinag-uusapan ng karamihan ang kontrobersiyal na paglago ng mga community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Tulad na nga ng nangyari sa Kapitolyo Community Pantry, sinimot ng anim na babae ang mga nakalatag na pagkain at ibang relief goods sa dahilang ipamamahagi din naman daw nila iyon para sa kani-kanilang kapitbahay. At mayroon ding mga kaso na nagpalipat-lipat ang ilang mga kumukuha ng ‘ayuda’ na para bang namamalengke sa magkakalapit na community pantry sa Quezon City.
Mayroon din kaso ng panlalamang sa pagtanggap ng ayuda. Sa ilang lugar, may mga residenteng nakakuha ng doble o triple pa sa huling ayudang ipinamahagi ng pamahalaan para sa mga naapektohan ng pagsasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ng Metro Manila at ilang lalawigan sa National Capital Region (NCR) na tig-isang libong piso para sa mga indibidwal at maximum na P4,000 kada pamilya.
Sabi nga ng isang residente sa Pasay: “Mabuti pa iyong mga adik nakakuha ng ayuda (mula kay Digong) e kaming nawalan ng trabaho at may pamilya ay walang ibinigay sa amin kahit isang ko-sing.”
At sa Cabuyao, Laguna, nanganganib makasuhan ang may 122 residente matapos dalawang beses na tumanggap ng ayuda. Ayon sa ulat sa telebisyon, nadiskubre ng mga opisyal sa Cabuyao ang pare-parehong pangalan sa kanilang cash aid database kaya ang sabi ng hepe ng Task Force Disiplina sa nasabing lungsod, magsasampa ng kaso ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga residenteng kumubra nang dobleng ayuda.
Nakalulungkot na tayong bansa na ang mahigit 90 porsiyento ay nagsasabing mga Kristiyano ay tila baga walang alam sa mga aral na ibinigay sa atin ng Panginoong Hesu Kristo.
Dapat sana’y tandaan nila na isa sa ‘seven deadly sins’ na binanggit ng Diyos ang ‘greed’ o pagiging sakim at kalakip din nito ang isa pang kasalanang itinuturing na mabigat na pagsasalinsala sa ‘utos’ ng Panginoon — ang gluttony, o pagiging sobrang matakaw!
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o kaya’y i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
PANGIL
ni Tracy Cabrera