PARANG mga kabuteng nagsulputan ang mga community pantry ng PRO3-PNP sa Central Luzon upang tumulong sa mga naunang community pantry na naging biktima ng red-tagging ang mga organizer nito.
Sa panayam ng programang Rektang Konek ng PNP Wide, hinimok ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija PPO, mga hepe ng 32 police stations sa buong lalawigan at ang 1st at 2nd Provincial Mobile Force na ayudahan siya sa paglulunsad ng community pantry sa Brgy. Gomez, sa bayan ng Sta. Rosa, lalawigan ng Nueva Ecija, para makatulong sa mahihirap na mamamayan lalo ngayong panahon ng krisis sanhi ng pandemyang CoVid-19.
Pinapupunta ganap na 7:30 am ang mga tao sa itinatalagang mga lugar ng community pantry at maaaring makakuha ng libreng gulay, itlog, mga pangsangkap tulad ng patis, tuyo, bigas, kasama na ang facemasks.
Nauna rito, namahagi ng mga ayuda ang pamunuan ng Nueva Ecija PNP sa kanilang mga kabaro sa lahat ng 32 police stations gayon din sa mga tauhang nasa labas na nakadestino sa mga border control points.
Samantala, umarangkada na rin ang mga paglulunsad ng community pantry sa mga barangay sa lalawigan ng Pampanga upang maibsan ang gutom na nararanasan ng mga pinaka-apektadong Kabalen sa lokalidad.
Ilan sa mga nagtayo ng community pantry ang Brgy. San Isidro sa pamumuno ni Kapitan Ber Talao upang matulungan ang kanyang mga nasasakupang mahihirap.
Pinutakte din ng mga Kabalen ng Brgy. San Pedro sa pamumuno ni Kapitan Boy Masu ang mga inilatag na mga noodles, itlog, sardinas, at iba pang mga produktong pagkain sa itinatag na community pantry, parehong sa lungsod ng San Fernando, sa nabanggit na lalawigan.
(RAUL SUSCANO)