ARESTADO ang dalawang pinaniniwalaang big time na mga tulak ng shabu, kabilang ang isang high value individual (HVI) sa ikinasang anti-narcotics operations ng PNP-PRO3 nitong Miyerkoles, 20 Abril, sa Brgy. Cabalantian, sa bayan ng Bacolor, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon ng mga suspek, ayon sa ulat ni P/Col. Arnold Thomas Ibay, provincial director ng Pampanga PPO, na sina Patrick Basa, kabilang sa listahan ng mga high value individual (HVI), 28 anyos; at Cedric Enriquez, 42 anyos, kapwa mga binata, parehong residente sa St. Jude Village, lungsod ng San Fernando, sa nabanggit na lalawigan, na nadakip ng mga kagawad ng PDEU/PIU Pampanga, RIU3 at Bacolor municipal police station SDEU.
Nakompiska mula sa mga suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo at nagkakahalaga ng P374,000, 2 mobile phone, isang Haima sedan na puti, may plakang TKI 223, isang Suzuki Vitara silver, may plakang XTH 281, at marked money na ginamit sa operasyon.
Sasampahan ng kasong paglabag sa mga probisyon ng Section 5, may kaugnayan sa Section 26 at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nakakulong na suspek.
“With the continuous arrest and neutralization of drug peddlers, the proliferation of illegal drugs and destructions of many lives are prevented,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)