PINASALAMATAN ng Pasay City local government unit (LGU) ang may mabubuting kalooban na nagtatayo ng community pantry sa lungsod dahil sa hangarin nilang makatulong sa mga kapos-palad na mga kababayan.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto – Rubiano, ang pagpapakita ng kabutihang loob, tanda na buhay na buhay pa rin sa ating mga Filipino ang diwa ng bayanihan.
Ang bayanihan at pagtulong sa kapwa ay isa sa mga mabubuting ugali na likas sa ating mga Filipino kaya nakatutuwa na muli itong binubuhay sa panahong ito sa pamamagitan ng mga community pantry, para labanan at talunin ang pandemya.
Pakiusap ng alkalde, gawin ito nang may kaayusan at dapat makipag-ugnayan ang mga organizer sa mga barangay kung saan nila ito itatayo.
Bukod sa may kaayusan, dapat ay sundin pa rin ang ipinatutupad na basic health protocols kaya mahalaga ang koordinasyon sa barangay para matulungan silang mapanatili ang kaayusan sa pila.
Pinaalalahanan ang mga organizer na maaari rin silang magtakda ng oras sa umaga at hapon upang malaman ng mga tao kung anong oras sila pupunta.
(JAJA GARCIA)