ARESTADO ang anim na suspek na hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga makaraang ituro ng mga kabarangay at malambat sa entrapment operation ng mga operatiba ng Philppine Drug Enforcement Agency 3 (PDEA3) nitong Lunes, 19 Abril, nang salakayin ng mga awtoridad ang isang drug den sa Don Bonifacio Village Subdivision, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni Director Christian Frivaldo ang mga suspek na sina Jojo Pineda, 31 anyos, kabilang sa drugs watchlist; Edmund Pineda, 56 anyos; Joshua Pineda, 23 anyos, target listed; Jovie Sulelto, 55 anyos; Christopher Dela Cruz; at Princess Tanpoco, 33 anyos.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang anim na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 50 gramo at nagkakahalaga ng P380,000, iba’t ibang drug paraphernalia, at marked money na ipinain sa mga suspek.
Kasalukuyang inihahanda ng mga awtoridad ang isasampang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek na nasa kustodiya ng PDEA. (RAUL SUSCANO)