Monday , September 9 2024

Kumalam na sikmura nagsariling kayod sa community pantry (Zero hunger program ‘nanggutom’)

ni ROSE NOVENARIO

LALONG nagutom ang mamama­yang Filipino sa ilalim ng Zero Hunger Task Force na pina­mu­munuan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, dahil imbes magsagawa ng konkretong programa, idinaan niya sa pag-indayog sa social networking platform TikTok (https://vt.tiktok.com/ZSJk1pXdN/) ang paglutas sa kagutuman dulot ng kahirapan sa bansa.

Si Nograles, itinalagang chairman ng Inter-Agency Task Force on Hunger na itinatag alinsunod sa Executive Order No. 101 noong 10 Enero 2020, sa layuning iahon sa kagutuman ang mga maralitang Pinoy, ay walang naipakitang konkretong aksiyon para rito.

Mahigit isang taon na ang task force gayondin ang nararanasang pan­demya sa bansa, ngunit kapos ang ayuda ng administrasyong Duterte sa mga mamamayan ka­ya kaysa makitang tumi­rik ang mga mata sa gutom ng kapwa Filipino, minabuti ni Anna Patricia Non o mas kilala bilang AP Non sa social media na magtayo ng community pantry sa Maginhawa St., Teachers Village, Quezon City.

Sa pamamagitan ng isang mesang may nakalagay na ilang kilong bigas, mga gulay, de-lata at paskil na karton na nakasulat ang prinsipyo at alituntunin: “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa panga­ngailangan” nagsimula ang community pantry ni AP Non sa Maginhawa St., noong 14 Abril 2021.

Naging viral sa social media ang inisyaba ni AP Non kaya’t mula sa inspirasyong ito’y nag­sulputang parang kabute ang community pantry sa iba’t ibang komunidad sa bansa.

Dumagsa ang tulong ng mga hindi nag­paki­lalang donor at pinilahan ng mga ordinaryong ma­ma­mayan ang community pantry na naghahangad magkaroon ng pantawid-gutom ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“Matagal na rin tayong nagde-demand pero kulang talaga ‘yung dumarating. Kaya kaila­ngan talaga nating mag­tulungan, community effort gano’n. Tayo-tayo na lang kasi,” ani AP Non sa isang panayam.

Isa mang kataga’y walang nakuhang supor­ta ang inisyatibang ito mula kay Nograles kahit man lang pampalubag loob dahil ginawa ng mga ordinaryong mamama­yan ang trabaho ng kanyang task force.

“Mukhang nagkamali ng pinasok na trabaho si Nograles, mas gusto yata niyang dancer kaysa maging efficient public official,” sabi ng isang political observer.

Ang obserbasyon ay hinugot mula sa Facebook account ni Nograles na karamihan sa naka-post ay gumigiling ang kata­wan sa saliw ng tugtog sa TikTok at mababasa ng netizens ang mensaheng nais niyang ipabatid sa publiko.

Hanggang kahapon ay hindi pa natatanggap ng ibang benepisaryo ang P1,000 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa ipinatu­pad na dalawang ling­gong enhanced community quarantine (ECQ).

Para kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr., ang pagsulpot ng mga community pantry ay dapat maging wake-up call sa gobyerno.

“Tatlong linggo matapos unang ipataw ang ECQ at sa panahon na 31% pa lang ang ayudang kakarampot ang naipamahagi, ang mga mamamayan ang kumilos para magtulu­ngan,” aniya.

Hindi umano maa­aring manonood lang ang gobyerno habang abala ang mamamayan sa pagtutulungan.

“Trabaho pa rin ng gobyerno ang ayuda. Liban na lang kung sinasabi ng gobyerno na wala na tayong aasahan pa sa kanila. Kung gayon, bakit pa sila nandiyan sa gobyerno? Kapang­yari­han sa mamamayan,” pahayag ni Reyes.

Sa huling ulat, umabot na sa halos 100 community pantry ang nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

About Rose Novenario

Check Also

Pasig City

Anti-graft posturing ni Mayor Vico  Sotto hanggang salita lang, — Tayo Pasig Movement

PASIG CITY – Magtatapos na ang dalawang termino ni Mayor Vico Sotto sa non-stop na …

Marian exhibit sa SM Center Pulilan dinagsa ng mga deboto 

Marian exhibit sa SM Center Pulilan dinagsa ng mga deboto 

Sa ilang araw na lang bago ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria, …

DOST-NCR Pinagsama ang Inobasyon at Tradisyon sa Pamana Agham

DOST-NCR Pinagsama ang Inobasyon at Tradisyon sa Pamana Agham

Pormal nang binuksan ng Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR), sa …

Gem Castillo

Hiling bago pumasok ng politika, ipinagkaloob ng Diyos kay Mayora Gem Castillo

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio WALANG imposible kapag ginusto ng Diyos. Ito ang makabuluhang tinuran …

Ara Mina

Ara hinihikayat tumakbong konsehal sa Pasig

I-FLEXni Jun Nardo MARAMI raw humuhikayat kay Ara Mina na tumakbo bilang konsehal sa Pasig City. Eh …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *