WALANG balak ang Palasyo na kanselahin ang mga nakatakdang pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kahit ilang empleyado at opisyal ng Malacañang ang nagpositibo sa CoVid-19.
Katuwiran ni Presidential Spokesman Harry Roque, mababa ang CoVid-19 cases sa mga lugar na pinupuntahan ng Pangulo at nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
“Si Presidente naman mayroon siyang lakad today and tomorrow, itutuloy po iyan kasi iyong lakad naman niya ay sa area na mababa po ang CoVid ‘no, mga MGCQ areas,” ani Roque sa virtual Palace press briefing.
Kinompirma kamakalawa ni Roque na nagpositibo siya sa CoVid-19 at kasalukuyang nasa isang quarantine facility sa San Juan City.
Aniya, pinapayagang manatili sa quarantine facility na government-accredited ang mga indibidwal na nagpositibo sa CoVid-19 at may ilang opisyal ng gobyerno na kasama niya sa naturang pasilidad.
Kabilang sa mga nasa quarantine facility ang isang newscaster/anchor ng state-run People’s Television Network (PTV), dalawang kawani mula sa Media Accreditation and Relations Office (MARO) ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), isang Director mula sa tanggapan ni Roque mula sa PCOO at isang undersecretary mula sa isang kagawaran.
“That [isolating at home] is possible because I noticed that I am asymptomatic and people here have symptoms. I would be conferring with my doctor if I would be better off staying here or going home,” sabi ni Roque.
Nabatid na ilang nagpositibong empleyado ng Malacañang ay nakuha ang virus sa pagdalo sa ilang presidential events at pagtitipon ng mga opisyal ng gobyerno.
Matatandaan noong nakalipas na Disyembre, isang empleyado ng PTV ang namatay sa CoVid-19 matapos magtungo sa Davao City para sa soft opening ng Mindanao hub ng PCOO na pinangunahan ni Secretary Martin Andanar.
Napaulat ang workplace transmission sa PTV at maraming kawani ang nagpositibo sa CoVid-19 hanggang sa ngayon.
(ROSE NOVENARIO)