ARESTADO Ang dalawa kataong pinaghahanap ng batas dahil sa kasong rape sa magkahiwalay na operasyon nitong Martes, 16 Marso, ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bataan.
Sa ulat ni P/Col. Joel Tampis, provincial director ng Bataan Provincial Police Office, sa tanggapan ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano se Leon, naunang nadakip ang suspek na kinilalang si Joshua Carillo, No. 10 Sibat Target sa hanay ng mga most wanted person, residente sa Poblacion, sa bayan ng Morong, ng mga kagawad ng Morong Municipal Police Office, 2nd PMFC, PIU Bataan, CIDG, at Olongapo City MARPSTA sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Hon. Judge Gemma Theresa Hilario Logronio, Presiding Judge ng Branch 12-FC, Olongapo City, Zambales sa apat na bilang ng kasong rape, at hindi pinayagang makapaglagak ng piyansa.
Samantala, naaresto ang isa pang suspek na kinilalang si Jestoni Sebreano, residente sa Freeport St., St. Francis ll, bayan ng Limay, No. 3 Sibat Target sa listahan ng mga most wanted person, sa bisa ng arrest warrant na ipinag-utos ni Hon. Ma Teresa Pagtalunan Manlion, Presiding Judge ng Br 3-FC, Mariveles, Bataan tatlong bilang ng kasong rape na walang inerekomendang piyansa.
“As we aim for safer communities all law enforcement agencies work close together to fight all forms of criminality including intensification of campaign against wanted persons, and to account all fugitives and put them behind bars of justice,” pahayag ni PRO3 Director Valeriano de Leon. (RAUL SUSCANO)