Kinalap ni Tracy Cabrera
RABAT, MOROCCO — Naibenta ng Hollywood actress na si Angelina Jolie ang obra maestra ng iconic wartime prime minister na si Sir Winston Churchill, na kilalang mahusay na debuhista at kumuha ng insipirasyon mula sa lungosd ng Marrakesh sa Morocco, sa pambihirang halaga na £7 milyon (US$9.75 milyon).
Ipinasubasta ni Jolie ang painting sa catalogue ng Christie’s Auction House sa paglalalarawan nito bilang natatanging landscape na obra noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Isang career army officer bago pumasok sa politika, nagsimula si Churchill na gumuhit ng mga painting noong edad 40-anyos na siya.
Ang kanyang pagkabighani sa Marrakesh, malayo sa kaguluhan sa politika at malamlam na kalangitan ng London, ay mula pa noong 1930s kung kailan ang Morocco ay sakop ng mga Pranses bilang isang protectorate, at nagsagawa si Churchill ng pagdalaw dito ng anim na beses sa loob ng 23 taon.
“Here in these spacious palm groves rising from the desert the traveller can be sure of perennial sunshine… and can contemplate with ceaseless satisfaction the stately and snow-clad panorama of the Atlas Mountains,” isinulat ng dating punong ministro ng Britanya noong 1936 sa pahayagang Daily Mail.
Idinebuho niya ang karamihan ng kanyang mga obra sa balkonahe ng grandiosong La Mamounia hotel o ang Villa Taylor ng lungsod, na kinahiligang puntahan at tuluyan ng European jet noong 1970s.
Dito sa nasabing villa, matapos ang makasaysayang pagpupulong noong Enero 1943 sa Casablanca kasama sina US president Franklin Roosevelt at French leader Charles de Gaulle, iginuhit ni Churchill ang masasabing pinakamagaling niyang painting ng Muslim minaret sa likod ng batalan ng lumang lungsod na nasa likuran ang makukulay na bulubundukin.
“You cannot come all this way to North Africa without seeing Marrakesh,” wika niya kay Roosevelt. “I must be with you when you see the sun set on the Atlas Mountains.”
Ipinadala ng dating British prime minister ang kanyang nilikhang obra kay Roosevelt para sa kaarawan nito at napasakamay nito kalaunan sa iba’t ibang indibiduwal bago napunta sa Hollywood dream couple Angelina Jolie at Brad Pitt noong 2011.