PUERTO PRINCESA CITY, PALAWAN — Hindi man lang umabot sa kalahati ng bilang ng mga frontline medical worker ng Ospital ng Palawan (OnP) sa Puerto Princesa ang sumang-ayon na mabakunahan ng China-made CoronaVac mula sa Chinese pharmaceutical firm na Sinovac.
Naging available ang bakuna ng Beijing-based Sinovac Biotech Ltd., sa health workers sa Palawan noong Linggo, Marso 7, subalit 180 sa 698 empleyado ng nabanggit na ospital ay lumagda para mapabilang sa libreng pagbabakuna.
Bago rito, may mataas na bilang ang “willing” na magpabakuna ng coronavac ngunit nagsipag-backed out nang mabalitaang malapit nang magkaroon ng rollout ng bakunang gawa ng British-Sweedish drug maker na AstraZeneca.
“At first, there were more who were willing to be vaccinated. But when they learned that AstraZeneca is coming, they backed out and we can’t force them to change their decision because this is supposed to be voluntary,” pahayag ni OnP medical center chief Dr. Melecio Dy.
Si Dy, 58, ang kauna-unahang residente ng Palawan na nabakunahan ng CoronaVac at nagparamdam ng kompiyansa dahil kapag hindi nagpakita ng mga side-effect o mga adverse reaction ang naturang bakuna, darami ang mga hospital staffer na papayag magpaturok.
Una rito, tiniyak ni health secretary Francisco Duque III na yaong frontliners na tatangging magpabakuna ng CoronaVac ay hindi aalisin sa priority list ng pamahalaan para sa national vaccination program at mabibigyan din sila ng batch mula sa AstraZeneca kung ito ang kanilang nanaisin.
Gayon pa man, wala pang nailalabas na mga detalye ang Kagawaran ng Kalusugan (DoH) ukol sa distribusyon ng tinatayang 487,200 dose ng bakuna ng AstraZeneca na bubuo sa unang delivery sa Filipinas mula sa COVAX facility, ang global vaccine pool na pinangungunahan ng Global Alliance for Vaccination and Immunization (GAVI) ng World Health Organization (WHO).
“There is no perfect vaccine, so if we have available vaccines, we should get it to prevent moderate to severe cases of Covid-19,” dagdag ni Dy. (Tracy Cabrera)