TATLONG opisyal na sanggang-dikit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magkakaiba ang pahayag kaugnay ng pagdating sa bansa ng CoVid-19 vaccine na gawa ng British-Swedish pharmaceutical company AstraZeneca.
Pareho ng pahayag sina Presidential Spokesman Harry Roque at Sen. Christopher “Bong” Go na darating ngayong 7:30 pm sa Villamor Airbase ang 487,200 doses ng AstraZeneca CoVid-19 vaccine mula sa COVAX facility.
“Good news po — inaasahan na darating bukas ng gabi, 7:30 pm ang 487,200 doses ng vaccines mula sa AstraZeneca. At sasalubungin po namin mismo ni Pangulong Duterte ang mga bakuna mula po sa COVAX facility. Ito pong 487,200 vaccines mula po sa AstraZeneca,” ani Go.
Sinusugan ni Roque ang sinabi ni Go pero mismong si vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ay tumangging kompirmahin ang impormasyong isinapubliko nila.
“I cannot confirm yet kasi dalawang beses na kaming nakoryente riyan,” sabi ni Galvez sa vaccine rollout sa St. Luke’s Medical Center – Global City sa Taguig City kahapon.
“Ang ano namin, kapag lumipad na ang aircraft sa Belgium, that’s the time that we can confirm,” dagdag ni Galvez.
Matatandaang naudlot ang nakatakdang pagdating ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccine noong Lunes bunsod ng kakulangan sa supply.
Noong Linggo ay dumating sa bansa ang 600,000 doses ng bakuna na gawa ng Sinovac ng China at itinurok sa mga medical frontliner sa CoVid-19 referral hospital at iba pang ospital ng pamahalaan at dalawang ospital ng St. Luke’s Medical Center.
(ROSE NOVENARIO)