Saturday , December 21 2024

Health workers sa gobyerno: May kickback ba sa Sinovac?

ni ROSE NOVENARIO

MAYROON nga bang kickback sa Sinovac?

Tanong ito ng Alliance of Heath Workers (AHW) sa administrasyong Duterte bunsod nang pagpupumilit na iturok ang CoVid-19 vaccine na gawa ng Sinovac ng China sa kabila ng pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi nila inirerekomenda ito para sa mga mang­gagawang pang­kalu­sugan na madalas na humaharap at nag-aalaga sa mga pasyen­teng may CoVid-19 na sinang-ayunan naman mismo ng DOH.

“Marami ang napa­pa­isip at nagtatanong kung bakit ipinipilit pa rin ng DOH at ng gobyernong Duterte ang Sinovac kung mayroon pa palang brand ng bakuna na ‘di hamak na may mataas na efficacy rate. Ang tanong ng marami, mayroon nga bang kickback sa Sinovac?” pahayag ng AHW sa isang kalatas kahapon.

“Batay sa clinical trial ng Sinovac na isinagawa sa Brazil, mayroon lamang itong 50.4% efficacy rate kompara sa iba pang mga brand ng bakuna kontra-CoVid-19,” dagdag ng AHW.

Iginiit ng AHW, hindi dapat ipinapasa sa mga manggagawang pang­kalusugan ang bigat at pagtitiwala ng publiko sa usapin ng pagba­bakuna.

Ang gobyerno anila ang pangunahing may responsibilidad sa pagtitiyak at pagsisiguro na ligtas at epektibong bakuna ang maibibigay para sa health workers at sa mga mamamayan.

Kasabay nito, dapat maging transparent at consistent ang gobyerno sa usaping ito.

Binigyan diin ng AHW, tama at maka­tarungan na humingi ang health workers ng ligtas at pinakaepektibong baku­na laban sa CoVid-19 dahil laging nakataya ang kanilang buhay sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga pasyente.

“Subalit sa kabila ng ating mga hinaing, ang gobyerno na dapat kumalinga ay ‘di naki­taan ng sinseridad at malasakit, bagkus ay naging pabaya, mabagal, manhid, at bingi sa mga daing, kahilingan at pangangailangan ng mga manggagawang pang­kalu­sugan.”

Lusot sa panana­gutan anila sa anomang pinsala sa sinomang mamamatay o tamaan ng malubhang epekto ng bakuna ang pharmaceutical companies

“Lumilitaw kung ganoon, na may kikita nang bilyon-bilyon at may makatatanggap ng limpak-limpak na komisyon, kapalit ang kaligtasan at buhay ng mga manggagawang pang­­­kalusugan at mama­mayan,” anang AHW.

Sa ganitong kalaga­yan ay walang ibang pagpipilian umano ang heath workers kundi ang higit na pagkakaisa na manindigan para sa libre, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat.

“Igiit ang bayad-pinsala sa mga biktima ng malulubhang epekto dulot ng bakuna, maging ang transparency sa mga kontrata at pagpa­panagot sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga  anomalya, kapal­pakan, iregularidad at katiwalian.”

Nanawagan ang grupo na manindigan ang lahat ng health workers sa bansa na siguraduhing mahigpit na mai-monitor ng DOH at gobyerno ang mga nabakunahang health workers para sa posibleng masamang epekto ng bakuna.

Igiit din na dapat libre ang pagpapagamot at pagpapaospital ng health workers na makakaranas ng side effects at dapat na tuloy-tuloy na naka­tatanggap ng suweldo at iba pang benepisyo habang nagpapagamot.

Maging ang respon­sibilidad ng gobyerno na magbigay ng bayad-pinsala o indemni­pi­kasyon na nagkakahalaga ng P1 milyon sa health workers na makakaranas ng malubhang epekto (severe side effects) at ang masaklap mauwi sa pagkamatay dulot ng bakuna kontra-CoVid-19 ay marapat din anilang igiit.

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *