GUSTO ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpunta sa China para personal na magpasalamat kay President Xin Jinping sa donasyong 600,000 doses ng Sinovac CoVid-19 vaccine na dumating kahapon sa bansa.
“Towards, maybe at the end of the year, when everything has settled down, I intend to make a short visit to China, to just shake hands with President Xi Jinping, and to personally thank him for this donation,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa welcome ceremony sa mga dumating na bakuna mula China.
Ipinagmalaki ng Pangulo na inihatid pa mismo ng eroplano mula sa China ang naturang mga bakuna sa Filipinas kompara sa ibang bansa na binigyan nito pero kinuha sa Beijing.
“Iyong iba kinukuha doon sa China, dito inihatid sa atin. Maraming salamat po,” dagdag niya.
Tinawag ng Pangulo na “hallmark of Philippines-China relationship” ang donasyong bakuna ng Beijing sa bansa kasabay ng pagpapasalamat sa aniya’y “gesture of friendship and solidarity.”
May nakalaang 100,000 doses ng CoVid-19 vaccine mula sa donasyon ng China at ang matitira’y para sa health workers.
Samantala, naudlot ang inaasam na pagdating ng AstraZeneca CoVid-19 vaccines mula sa COVAX Facility ngayon at posibleng abutin pa ng isang linggo bago ihatid sa Filipinas dahil nahihirapan sa supply. (ROSE NOVENARIO)