NALUNGKOT si Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na enkuwentro ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City kamakalawa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon sa insidente at nagbiling magpakahinahon ang PNP at PDEA habang hinihintay ang resulta ng pagsisiyasat sa insidente.
“Unang-una, siya ay nalungkot ‘no. ‘Naku, mga pulis ko na naman at mga PDEA ko ang namatay,’ tapos ang sabi niya, ‘kinakailangan malaman ko ang nangyari rito, tapos sabihin mo sa kanila huminahon muna at magkakaroon talaga tayo ng masinsinang imbestigasyon.’ Iyon po ang mga binigkas na mga salita ng ating Presidente,” ani Roque sa panayam sa DZRH.
Kombinsido si Roque na walang naganap na koordinasyon ang PNP at PDEA hinggil sa buy ust operation kaya nauwi sa pagdanak ng dugo.
“Pero sa tingin ko kung mayroon po talagang koordinasyon e… Metro Manila naman po ito, hindi naman ho ito Sulu. Gaya noong Sulu puwede natin pang sabihin na talagang mainit talaga roon. Kung Metro Manila naman po, dapat siguro magkaroon talaga ng coordination at komunikasyon sa hanay po ng lokal na pulis at ng PDEA,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)