ARESTADO ang isang tricycle driver makaraang makuhaan ng P120,000 halaga ng damo o marijuana matapos tangkaing takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City Police chief Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong suspek na si Roberto Roque, Jr., 27 anyos, residente sa Masaya St., RP Gulod, Novaliches Quezon City, habang pinaghahanap ang hindi pinangalanang kasama nito.
Ayon kay Col. Mina, dakong 11:15 pm, nagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng Phase 9, Langit Road kanto ng Lacson Road, Bagong Silang ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12 sa pangunguna ni P/Lt. Mel Soniega at P/Lt. John Sadorra, kasama ang NPD-DMFB sa pangunguna ni P/Lt. Jerry Terte nang parahin ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Imbes sumunod sa mga pulis, hindi pinansin ng mga suspek ang checkpoint at pinasibad ang motorsiklo na naging dahilan upang mahulog ang kanilang eco bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Isang maikling habulan pa ang nangyari at nagawang maaresto si Roque na nagmamaneho ng motorsiklko habang nakatakas sa hindi matukoy na direksiyon ang hindi kilalang kasama nito.
Nakompiska ng mga pulis sa suspek ang isang block na nasa 1,000 gramo ng pinatuyong dahon at fruiting top ng marijuana na tinatayang nasa P120,000 ang halaga.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kinakaharap ng suspek na nakatakdang isampa sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
(ROMMEL SALES)