NAKINABANG ang mahigit 100 residente sa libreng serbisyo na handog ng mga kagawad ng Candelaria Municipal Police Station sa pangunguna ng kanilang hepeng si P/Maj. Horace Zamuco, sa ilalim ng superbisyon ni P/Col. Romano Cardiño, direktor ng Zambales Police Provincial Office, sa paghahatid ng Expanded Caravan nitong nakaraang Biyernes, 19 Pebrero, sa Brgy. Taposo, bayan ng Candelaria, sa lalawigan ng Zambales.
Kaantabay din sa ginanap na outreach program ang pamahalaang lokal ng Candelaria, 33 Mechandize Co., PA, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Depertment of Agriculture, Department of Health, Guardians, Tau Gamma Phils., at Kabataang Kontra Droga at Terorismo, sa pagsasagawa ng medical mission, libreng gupit, tuli, pagkuha ng police clearance at Cedula, pamimigay ng tsinelas, at feeding program.
Pinaliwanagan din ng mga kawani ng DOH ang mga residente hinggil sa CoVid-19 at ang importansiya ng pagsunod sa safety health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield, palagiang paghuhugas ng mga kamay, paggamit ng alcohol, at social distancing upang makaiwas sa pagkahawa ng virus.
Binigyan din ng food packs ng mga awtoridad ang mahihirap na residente sa liblib na barangay ng Taposo. (RAUL SUSCANO)