HINDI puwedeng iturok ang bakuna kontra CoVid-19 na gawa ng Sinovac sa health workers at senior citizens kahit ginawaran ito ng emergency use authorization (EUA), ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
“The vaccines shall be administered only by vaccination providers, and used only to prevent CoVid-19 in clinically health individuals aged 18-59 years,” sabi ni FDA chief ERic Domingo.
Lumalabas sa interim data ng Phase 3 trials ng Sinovac CoVid-19 vaccine na nasa 65.3% (Indonesia) hanggang 91.2% (Turkey) ang efficacy rate nito sa “clinically healthy” individuals na nasa edad 18-59 anyos.
Hindi rekomendado na gamitin sa health workers dahil mas mababa aniya ang efficacy rate nito na nasa 50.4% lang at hindi angkop sa mga exposed sa CoVid-19.
Ani Domingo, hindi “marketing authorization” o “certificate of product registration” ang EUA kaya ipinagbabawal na ipagbili ito sa publiko at tanging sa DOH, NTF, atbp., partners ito maaaring ibenta sa ngayon.
Nauna rito’y nangako ng 600,000 doses ng Sinovac vaccines ang Beijing sa Filipinas at 100,000 ang mapupunta sa mga militar.
Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi lumagda ang Filipinas ng indemnification deal para matanggap ang 600,000 doses ng Sinovac vaccines mula sa Chinese government.
Tiniyak ni Roque, may indemnity fund ang pamahalaan at kung sakaling magkaroon ng side effects ay walang pananagutan sa panig ng claimant.
Hindi aniya hihintayin ng gobyerno na maipasa sa Kongreso ang batas na bubuo ng indemnity fund bago simulan ang vaccination drive gamit ang Sinovac vaccines.
Idinepensa ni Roque ang bakuna ng Sinovac na “hindi low quality” at pasok pa rin aniya sa threshold na itinakda mismo ng World Health Organization (WHO).
(ROSE NOVENARIO)