GINAWANG “ping pong ball” ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Camp Crame ang ilang pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon sa mga impormante ng HATAW D’yaryo ng Bayan, demoralisado ang ilang pulis sa NCRPO dahil sa isang alyas ‘alalay ni Bolta’ na pinaghihigantihan ang mga nakaaalam ng kanyang ‘baho.’
Anila, may tatlong pulis-NCRPO ang inilipat ni ‘Alalay ni Bolta’ sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) bunsod ng ngitngit niya na ‘niligawan’ ng isa sa kanila ang non-uniformed personnel na dinala niya sa isang pagtitipon sa “White House” sa Camp Crame.
Matapos umanong makarating sa Maguindanao ang mga pulis, biglang inilabas ang panibagong order na ibinabalik na sila sa NCRPO ngunit ang isa ay naiwan sa BAR.
“Aba’y pinaglalaruan ang mga pulis ni ‘Alalay ni Bolta.’ Anong akala niya sa mga pulis ping pong balls?” sabi ng mga impormante.
Ang isa sa pinagtataka nila, anong birtud mayroon si ‘Alalay ni Bolta’ at nakasungkit pa ng sensitibong mga posisyon sa PNP kahit sumabit ang kanyang pangalan sa isang kilalang convicted drug lord sa Muntinlupa City.
Isa rin si ‘Alyas Bolta’ sa mga sinampahan ng kasong paglabag sa quarantine protocol nang dumalo sa kontrobersiyal na Voltes V-themed birthday mañanita ni PNP chief Debold Sinas, noong NCRPO chief pa ang hepe ngayon ng pambansang pulisya.
Wala pang resulta ang imbestigasyon sa mga kinasangkutang kontrobersiya ni ‘Alalay ni Bolta.’
(ROSE NOVENARIO)