ni ROSE NOVENARIO
NAIINGGIT ang Filipinas sa laki ng ipinagkakaloob na military assistance ng Amerika sa Pakistan kompara sa tinatanggap ng bansa kay Uncle Sam, na barya-barya lamang.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dapat ay makatanggap ang Filipinas ng halos pareho ng ibinibigay ng US sa Pakistan na $16.4 bilyon.
“Pakistan got $16 billion. We think we should get something similar or close to that amount, but definitely not the amount we are currently getting,” ani Roque.
Giit niya, hindi dapat libre ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil pinahihintulutan nito ang mga tropang Amerikano at mga kagamitan nila sa pumasok sa Filipinas kaya’t magiging military target ang bansa kapag nakipagdigmaan ang US sa kahit anong bansa.
Batay aniya sa pag-aaral sa paggasta kontra-terorismo ng Amerika, nakatatanggap lamang ang Filipinas ng 3.9 bilyon habang ang Pakistan ay 16.4 bilyon mula 2002 hanggang 2017.
Kombinsido si Roque na wasto ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na singilin ang US sa pananatili ng kanilang mga tropa at kagamitang militar sa Filipinas, hindi ito pangingikil bagkus ay pagtataguyod ng pambansang interes ng Filipinas.
“Tama ba na sumingil tayo ng halaga para sa patuloy na pananatili sa Filipinas ng mga Amerikanong sundalo at equipment? Bakit naman hindi? Hindi po iyan extortion. Iyan po ay isang pagtataguyod ng nasyonal na interest ng mga Filipino,” dagdag ni Roque.
“For now, what the President wants is if you want to continue using our territory, we want just compensation for it — hindi barya, hindi bulok na mga equipment. Iyong mga dumating pong equipment, binili po natin iyan, hindi po iyan ibinigay.”