WALANG epekto sa Filipinas ang export control na ipinatutupad ng European Union (EU) sa CoVid-19 vaccine na gawa sa mga bansa sa Europa, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr.
Sinabi ni Galvez na makukuha pa rin ng Filipinas ang 17 milyong doses ng bakuna mula sa British drugmaker AstraZeneca dahil manggagaling ito sa kanilang planta sa Thailand.
“Wala po siyang tinatawag nating komplikasyon kasi iyong ating factory ay manggagaling po sa Thailand,” ayon kay Galvez sa virtual Palace press briefing kahapon.
“Iyong ating inorder po na 17 million from the private and the LGU will be coming from the Thailand plant,” dagdag niya.
Ang pahayag ni Galvez ay taliwas sa pagbatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa “pag-hostage” ng EU sa AstraZeneca.
“The problem is ‘yung bakuna. For all of the brouhaha, ‘O mayroon kami dito nakita, mayroon kami…’ Saan? E ‘yung AstraZeneca hinostage (hostage) ng European Union,” sabi ng Pangulo sa kanyang public address kamakalawa ng gabi.
“Kasi sa Europe kasi isa ‘yung isa — parang isa na lang sila. Ang pera nila ng eu — euro dollars ang pera ng France pero lahat tanggap na ‘yan. Wala na silang distinction kaya ganoon ang ginagawa nila.”
(ROSE NOVENARIO)