INILUNSAD ng Cebu Pacific ang bago nilang polisiya kaugnay sa mga ‘oversized baggage’ o mga bagaheng lumagpas sa itinakdang sukat upang lalong maging maginhawa ang paglalakbay para sa kanilang mga pasahero.
Simula kahapon, 1 Pebrero, sinimulan na ang bagong polisiya ng Cebu Pacific kaugnay ng size limit para sa mga check-in baggage na hanggang 39 pulgada.
Mas madaling magkasya sa conveyor belt ang mga bagaheng nasa itinakdang sukat kaya magiging mas mabilis ang biyahe at magiging mas komportable sa lahat ng mga pasahero.
Samantala, ang mga check-in baggage na lalampas sa 39″ limit ay maituturing na oversized bag at sisingilin ang pasahero ng P800 para sa mga domestic flight, at P1,300 para sa mga international flight.
Itinakda ang karagdagdang bayad para sa kinakailangang proseso para madala ang mga bagahe sa baggage loading area. Kalimitang kasama sa mga oversized baggage ang mga music equipment, motorsiklo, at telebisyon.
Pinaalalahanan din ng Cebu Pacific ang kanilang mga pasahero na mag-empake nang naaayon sa kanilang ini-avail na prepaid baggage allowance upang maiwasan ang mga karagdagang bayad sa mga paliparan.
Maaaring makita ang mga karagdagang impormasyon sa kanilang website sa link na ito: https://www.cebupacificair.com/pages/plan-trip/baggage-info. (KARLA OROZCO)