PATAY ang isang hinihinalang miyembro ng Rebolusyunaryog Hukbong Bayan (RHB) sa patuloy na pagpapaigting ng Anti-Criminality Campaign ng PRO3 PNP nitong Biyernes ng gabi, 29 Enero, sa Brgy. Pulong Masle, bayan ng Guagua, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat ni P/Col. Thomas Arnold Ibay, Provincial Director ng Pampanga, kinilala ni P/BGen. Valeriano De Leon, PRO3 Director, ang suspek na si Rogelio Bagang, residente sa San Pedro Saog, sa naturang bayan, batay sa mga personal na identification card na nakuha sa kanyang pag-iingat.
Ayon kay P/Capt. Christopher Obien, Commander ng 302 Mobile Company, Regional Mobile Force Batallion 3 (RMFB 3), naglatag ng checkpoint para sa Oplan Sita kaugnay sa beripikadong intelligence report hinggil sa mga hindi kilalang personalidad na nagpakilalang miyembro ng RHB.
Ang nasabing RHB umano ang nangingikil sa mga fishpond operators kapalit ng proteksiyon, bilang parte ng kampanya kontra krimen ng rehiyon at pagpapatupad ng CoVid-19 safety health protocol.
Sinita ang suspek na sakay ng tricycle na walang plaka at walang suot na facemask ngunit imbes huminto ay umarangkada at bumunot ng maiksing baril saka pinutukan ang mga operatiba na agad gumanti ng mga putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kalibre .38 de bolang pistola na may limang bala, iba’t ibang IDs, tricycle na walang plaka na ginamit ng suspek, at mga basyo ng bala.
(RAUL SUSCANO)