NAPASAKAMAY ang dalawang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kabilang ang isang Chinese national na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) nang sitahin at makompiskahan ng P108,000 halaga ng shabu, drug paraphernalia at hinihinalang party drugs o ecstacy, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Acting Pasay Police chief, P/Col. Cesar Paday-os ang mga suspek na sina Wang Fei, 30, Chinese national, pansamantalang naninirahan sa R-8 Fontana Apartment, Clark City Pampanga; at Dexter Abao y Bayon, 43, driver, at residente sa Saint Louie Comp., Brgy. Sun Valley, Paranaque City.
Base sa imbestigasyon ni P/SSgt. Scott Arcilla, naaresto ang mga suspek dakong 4:30 am sa Barangay 76, Pasay City.
Sinita ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek na sakay ng kulay violet na Toyota Innova may plakang CAV1162 nang pumarada kaugnay sa umano’y ilegal na droga na isinusuplay at natuklasan ang dalang 10 pirasong zip locked plastic sachets na naglalaman ng shabu; 10 pirasong red tablet na hinihinalang Ecstacy; at 5 canister na pawang naglalaman ng 5 spiral palstic tube na pinaniniwalaang gamit sa pagsinghot ng shabu.
Nakatakdang isalang sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office ang dalawa sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.
(JAJA GARCIA)