PINAG-IINGAT ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko sa pagbili ng gamot para sa hypertension sa nadiskubreng pekeng gamot na kumakalat sa merkado na may dalang panganib sa kalusugan.
Sa FDA Advisory No.2021-0103-A , nagbabala ang FDA sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga pekeng Losartan Potassium (Angel-50) 50mg film coated tablet.
Sa pagsusuri ng FDA kasama ang Marketing Authorization Holder (MAH), Pharmakon Biotec Inc., ang nasabing produkto ay napatunayang peke.
Lahat ng healthcare professionals at publiko ay binabalaan sa pagkalat ng nasabing pekeng gamot sa merkado na posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito.
Pinaalalahanan ang publiko na bumili sa mga establisimiyentong lisensiyado ng FDA.
Maging ang lahat ng establisimiyento ay binabalaang huwag magbenta ng produkto na nagtataglay ng mga katangian ng pekeng gamot.
Ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at Republic Act No. 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs.
Sino mang mapatunayan o mahuli na nagbebenta ng nasabing pekeng produkto ay mapaparusahan.
Hiniling sa lahat ng local government units (LGUs) at law enforcement agencies (LEAs) na tiyaking ang pekeng produkto ay hindi maibebenta o magagamit sa kanilang mga nasasakupan.
(JAJA GARCIA)