HINDI nawawala o napunta sa katiwalian ang P15 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at 92 porsiyento nito’y nai-liquidate o natuos na.
Sinabi ito ni PhilHealth chief Dante Gierran sa virtual Palace press briefing kahapon.
Hindi umano siya papayag na mawawala ang pera ng PhilHealth lalo’t galing siya sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inulan ng batikos ang PhilHealth makaraang isiwalat ng isang dating opisyal nito na nasa P15 bilyong pondo ng ahensiya ang ibinulsa ng ilang mga opisyal ng state insurer sa pamamagitan ng fraudulent schemes.
Iginiit ni resigned PhilHealth anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na lahat umano ng miyembro ng executive committee ng PhilHealth ay kasapi ng isang “mafia” na promotor ng katiwalian sa korporasyon sa loob ng maraming taon.
Tinukoy ni Keith ang mala-sindikatong kalakaran ng mga opisyal sa ilalim ng interim reimbursement mechanism at ang overpriced umanong information and communication technology equipment.
Kamakailan, inihayag ni PhilHealth Spokesperson Rey Baleña na ang ± 15 bilyon na pinaniniwalaan ng ilan na nawawala ay tinanggap ng 711 health care facilities sa buong bansa bilang bahagi ng CoVid response. (ROSE NOVENARIO)