WALANG plano si Pangulong Rodrigo Duterte na ipakita sa publiko ang pagpapabakuna laban sa CoVid- 19 dahil sa puwit niya ito ipatuturok.
Paliwanag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque hinggil sa pribadong pagpapabakuna ni Duterte taliwas sa ginawa ng ilang world leader na napanood ng buong mundo ang pagturok sa kanila ng CoVid-19 vaccine.
“I think so, he has said so. Sabi nga niya dahil sa puwit siya magpapasaksak so hindi pupuwedeng public,” sagot ni Roque nang usisain kung pinal na ang desisyon na itago sa publiko ang pagpapabakuna.
Sa mga nakalipas na buwan, ipinagyabang ni Duterte na payag siyang maunang mabakunahan para mapatunayang epektibo at ligtas ang kukuning CoVid-19 vaccine ng gobyerno.
Ngunit kamakailan ay biglang nag-iba ang kanyang tono at sinabing huling babakunahan silang mga opisyal ng pamahalaan nang makatiyak na makabibili ng milyon-milyong doses ng Sinovac vaccine ang kanyang administrasyon.
May ilang nagduda na posibleng nabakunahan na ang Pangulo, kasabay ng mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG), ng smuggled at hindi pa awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA) na Sinovac vaccine.
Napansin din na mula nang sumiklab ang isyu ay nagpupunta na sa ilang pagtitipon si Pangulong Duterte sa loob at labas ng Palasyo.
Para kay dating National Task Force Against CoVid-19 adviser DR. Tony Leachon, nakalulungkot ang desisyon ni Pangulong Duterte na sa puwit magpabakuna dahil ang malaking hamon ay ibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna.
“Our next big challenge is to convince the public to get vaccinated. It’s unfortunate Pres. Duterte has chosen his buttocks to be site for vaccination instead of the deltoid area like US Joe Biden, Indonesian Pres. Joko Widodo Singapore PM Lee Hsien Loong. It would be inspiring,” ani Leachon sa kanyang tweet.
(ROSE NOVENARIO)