Saturday , November 16 2024

Sorry ng AFP hindi sapat — Colmenares

ni Gerry Baldo

HINDI sapat na mag-sorry lamang ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga taong ‘binansagan’ nilang mga komunista.

Ayon kay Bayan Muna Chair Neri Colme­nares, ang nararapat ay itigil na ang “red-tagging.”

“Ang ‘sorry’ ng AFP ay hindi sincere hanga’t hindi nila ihihinto ang red-tagging,” ayon kay Colmenares.

Sa isang press briefing kahapon sa Unibersidad ng Pilipinas, nanawagan si Colmenares, kasama ang iba’t ibang militan­teng grupo na ibasura ang “anti-terror law.”

Ani Colmenares, ‘mapanganib’ ang anti-terror law kung ang “intel” ng AFP ay palpak.

Tinukoy ni Colmenares ang paglabas sa Facebook ng mga pangalan ng umano’y mga ‘leftist’ o komu­nistang personalidad gaya nina Alex Padilla, na kasama sa government panel sa usapang pang­kapayapaan sa National Democratic Front, at iba pang personalidad na umalma sa naturang facebook post.

“Kahit sampu pang terror law, walang mangyayari dahil mahina ang intelligence ng militar,” ani Colmenares.

Naniniwala si Colmenares na ang anti-terror law ay para lamang sa ‘dissenters’ at ‘aktibista’ na nagpapa­hayag ng kanilang mga hinaing laban sa pamahalaan.

PERA NG JUAN, SULIT
SA ISKOLAR NG BAYAN

NAPAPAKINABANGAN ng sambayanang Filipino ang mga resulta ng pagsasaliksik ng mga nagtapos sa University of the Philippines (UP) lalo sa pagtugon sa CoVid-19 pandemic taliwas sa akusasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kuta ang unibersidad sa pagrerekluta ng mga komunistang grupo.

Sa paglulunsad ng Saliva CoVid-19 testing ng UP katulong ang Philippine Red Cross kahapon ay ipinagmalaki ni UP President Danilo Concepcion na sulit ang pera ni Juan dela Cruz na ipinantutustos sa pag-aaral ng mga Iskolar ng Bayan.

“Ang matagumpay na outcome na ito ay isa ring patunay na hindi kailanman nasayang ang pagtustos ng kabang bayan sa University of the Philippines. Hindi po nasayang ni isang sentimo ang ginugol ng kabang bayan sa pag-aaral ng iskolar ng bayan sa UP,” ani Concepcion.

Si Dr. Michael Tee ng UP-PGH ang nagsilbing lead researcher sa Saliva CoVid-19 testing.

Bukod sa saliva test ay may mahigit 300 research ang ginagawa ng unibersidad tungkol sa pagtugon sa CoVid-19 pandemic, ayon kay UP Manila Chancellor Carmencita Padilla.

Kabilang rito ang isang gawa sa Filipinas na ventilator na nagkakahalaga lamang ng P500,000 kompara sa imported ventilator na may presyong multi-milyong piso.

Naging kontrobersiyal ang pagkansela ni Defense Secretary Delfin Lorenza­na sa 1989 UP-DND Accord sa katuwiran na naging ‘safe haven’ ng mga kaaway ng estado ang UP.

Lalong tumindi ang kritisismo sa naging hakbang ni Lorenzana nang mabisto na palpak ang listahan ng AFP ng mga umano’y nadakip at napatay na mga estudyante ng UP na naging miyembro ng New People’s Army (NPA).

Umalma ang ilang UP alumni na napasama sa listahan dahil sila’y buhay pa at ni minsan ay hindi naaresto bilang mga rebelde sa buong buhay nila.

Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagkakasama ng tatlong abogado sa listahan.

Ayon kay IBP president Domingo Egon Cayosa, ang mga abogadong sina Roan Libarios, Alexander Padilla, at Rafael Angelo Aquino ay hindi mga miyembro ng NPA, at hindi rin nahuli o napatay.

Binatikos ng IBP ang red-tagging dahil ito umano ay nakakakom­promiso sa seguridad at kaligtasan ng isang naaa­kusahang indibidwal, nababahiran ang kanilang reputasyon at nagdudulot ng unwarranted risks, tension, at distress sa kanilang mga pamilya, kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

(ROSE NOVENARIO)

BINTANG NA PLM PUGAD
NG NPA RECRUITER, INSULTO
— PLM PREXY

TINAWAG na insulto ng pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang akusasyon ng militar na isa sa mga unibersidad na nagre­rekrut ng mga estudyante para maging kasapi ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay PLM President Emmanuel Leyco, malaking insulto sa kanilang faculty, masisipag na staff, at magagaling na estudyante na inihahanda nila para maging lider ng bansa tungo sa maunlad na Filipinas.

Sinabi ni Leyco, hindi katanggap-tanggap ang nasabing akusasyon sa gitna ng pagpupursigi ng education sector parti­kular ng PLM Community na makaa­gapay sa mga hamon ng online education.

Binigyang diin ni Leyco, hindi sila aware o wala silang alam sa recruitment ng CPP-NPA sa loob ng campus at hindi rin sila nasabihan o nabalaan ng mga awtoridad hinggil sa umano’y aktibidad ng mga makakaliwa.

Buo aniya ang “passion” nila para sa public service lalo na’t ang mga pinakahuling graduates nila ay medical doctors na bahagi ng medical frontliners sa Maynila bukod pa sa mga nagseserbisyo sa gobyerno bilang mamba­batas, nasa hudikatura at maging nasa executive branch.

About Gerry Baldo

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *