KINATIGAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng mga doktor na huwag munang pahintulutang makalabas ng bahay ang mga batang may edad 10 hanggang 14 anyos.
Ang desisyon ng Pangulo ay taliwas sa naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Emerging Infectious Disease na payagan nang lumabas ang mga batang 10-14 anyos sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Idinahilan ng Pangulo na ang kanyang pasya ay bunsod ng mga kaso ng United Kingdom variant corona virus sa Cordillera.
“Pasensiya na po kayo. Mine is just a precaution wala itong… Takot lang ako kasi itong bagong strain strikes the young children. Itong original na CoVid hardly if at all na wala kang marinig na bata, meron one or two and you can count it by the fingers of your hands. But the infection is not easily acquired. Pero ngayon, according to the studies, nag-warning si Johnson, ‘yung prime minister nila that it can, that kind of affliction can… walang limit sa edad kung ilan, so it does not have any cut off there. Just to be sure and in our desire to protect our people napilitan akong i-reimpose ang 10 to 14, not at this time. It’s a sacrifice for the parents and the children, it would limit their movements,” anang Pangulo sa kanyang public address kagabi.
Nauna rito, napaulat na tatlo sa 16 na na-detect na may UK variant ng CoVid-19 sa bansa ay menor de edad.
Sinabi ng Philippine Pediatric Society na hindi pa panahon ang pagpayag ng IATF na makalabas ng bahay ang mga batang 10 anyos sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ.
“Ang sintomas sa mga bata, hindi mo alam. May na-admit ako na dalawang pasyente na may LBM at rashes. Akala mo dengue, it turned out to be CoVid pala,” ani Cynthia Cuayo-Juico ng Philippine Pediatric Society.
(ROSE NOVENARIO)