BUO pa rin ang tiwala at kompiyansa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno kahit inakusahan siyang sabit sa umano’y maanomalyang P1.75-bilyong national ID system contract.
Tiniyak ito kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing.
“In fact, he trusted him so much that he promoted him to become Central Bank Governor,” ani Roque.
“So, naninindigan po tayo sa integridad ni Governor Diokno, at alam naman natin na karapatan ng kahit na sino ang magsampa ng kaso. Pero kampante po kami at nagtitiwala na magbibigay linaw po si Governor Diokno sa isyu na ito.”
Naghain ng reklamo sa Ombudsman si Ricardo Fulgencio IV ng Stop Corruption Organization of the Philippines, Inc., kamakalawa laban kay Diokno at iba pang opisyal ng BSP dahil sa paggawad ng P1.75-bilyong kontrata sa pribadong kompanyang Allcard International na hindi dumaan sa public bidding para sa implementasyon ng national ID system.
Mula nang maluklok sa Malacañang ay ilang beses inihayag ni Pangulong Duterte na hindi niya kokonsintihin ang korupsiyon sa kanyang administrasyon.
“Huwag na huwag talaga akong makarinig na corruption, [not] even a whiff or whisper. I will fire you or place you somewhere,” aniya.
Sa kanyang talumpati kamakailan ay idineklara niya na ang nalalabing panahon ng kanyang administrasyon ay itutuon sa paglaban sa korupsiyon.
Ilang beses din binasa ng Pangulo ang mga pangalan ng mga empleyado ng gobyerno na dawit sa katiwalian pero todo-tanggol kapag si Health Secretary Francisco Duque III.
Itinalaga niya si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre bilang Napolcom commissioner kahit dating nadawit sa ilang alingasngas sa justice department.
(ROSE NOVENARIO)